Isa sa mga resolution ko ay "mas mapormang 2015." Gaya ng updates ko sa blog na ito, susubukan kong mag-dress-up once a week. Napansin ko kasi last year na nagdamit lang ako nang todo noong christmas party. At yung sinuot ko pa sa christmas party eh galing sa UK... as in ukay-ukay.
Nagugulat ang mga katrabaho ko sa opisina dahil nakakahanap daw ako ng magaganda. Sa isip-isip ko, hindi naman mahirap humanap ng havey na damit. Dapat lang talaga matiyaga ka una sa lahat. Hindi kasi tulad sa mall, walang saleslady na lalapit sa yo para tulungan ka sa hinahanap mo.
Kaya para sa mga first time na bibili sa ukay, o sa mga nagpunta sa ukay pero umuwing bigo, heto ang ilan sa mga bagay na natutunan ko sa ilang pagkakataong nag-shopping ako sa UK.
1. Magkaroon ng tiyak na pakay
Kapag kasi first time mong pumasok sa ukay-ukay, pwedeng ma-overwhelm ka sa dami ng damit na nandon at wala kang mapili sa bandang huli. Kaya kapag trip mong mag-ukay shopping, magandang may idea ka na sa gusto mong bilhin.
Halimbawa, kung bagong tanggap sa trabaho at kailangang laging dress up eh mag-concentrate lang muna doon. Pumili ng mga dress at polo na maaaring isuot sa trabaho. Halimbawa namang medyo nahiyang ka sa relasyon at sumisikip na ang pantalon mo, edi ang goal mo ay bumili ng mga bagong pantalon at shorts.
Siguraduhing mabibili niyo muna ang ipinunta niyo doon bago maligaw ng landas, dahil believe me, napakadaling maligaw ng landas sa ukay.
Nung christmas party namin, ang costume ko ay yung Abnegation faction sa pelikulang Divergent. Kaya nung pumasok ako sa tindahan ng ukay, sabi ko sa sarili ko, ang bibilin ko lang eh yung costume kong gray. Kaya lahat ng damit na hindi gray eh eliminated na, kahit gaano pa yan kaganda.
2. Huwag mahiyang isa-isahin ang mga damit sa rack
Lalo na sa mga lalaki. Mas challenging maghanap ng damit dahil sa unang tingin, mas kaunti ang rack na panlalaki, pero mapanlinlang ito. Huwag mahiyang i-check ang lahat ng rack dahil may mga gems na pwedeng nakasingit sa rack ng mga blouse. At gaya ng paghahanap sa totoong gems, kailangan talaga ng pasensya sa paghuhukay. Keber na sa mga nakatingin. Akala mo lang na nakatingin sila, pero hindi dahil busy rin sila sa kanya-kanyang pag-uukay.
Minsan nakakainip dahil mainit at saka parang wala ka namang makikitang maganda. Huwag ganyan ang attitude. Tiwala lang.
3. Isukat muna bago bilhin
Yung iba kasi, lapat-lapat lang sa katawan, babayaran na. Delikado yan, lalo na kung ang bibilhin mo eh pang-ibaba. Wag masyadong magtiwala sa sariling pagtatantya dahil asyumera at filingera tayo minsan na payat at balingkinitan kahit hindi naman.
Hindi rin gaanong totoo yung isasakal sa leeg yung pantalon. Hindi porket nagdikit ang mga dulo eh maibubutones na rin kapag sinuot mo na sa totoong buhay. No. Isukat pa rin to be sure.
Madalas may limit ang bilang ng damit na pwedeng isukat at a time. Pwedeng hindi mo ito sundin, pero dapat maging considerate sa susunod na magsusukat. Bilisan ang pagbibihis at pagtingin sa salamin. Kapag masikip, please, wag na pong ipilit, kahit gaano pa kaganda. Ganoon talaga. Minsan eh hindi lang talaga laan. (ay san galing yun)
4. Huwag manghinayang sa nagastos
Baka kasi pagkatapos mong magbayad, bigla kang ma-guilty. Isipin mo na lang na hindi mo naman isang beses lang yun gagamitin, at sabihin mang isang beses nga lang, eh magkano lang naman yun diba. Kung halimbawang P130, eh isang meal lang yon sa McDo.
Kaya nga bago ka pumasok sa ukay-ukay, dapat meron kang goal, at kasama sa goal na yon ang budget. Halimbawa, "This time, willing akong gumastos ng P1,000. Kung wala akong makitang maganda, okay lang, pero hindi na ako lalagpas."
Ganyan. Isipin mo na lang na kung sa mall ka bibili, hanggang saan lang makakarating ang P1,000 mo? Baka nga magdagdag ka pa. Eh sa ukay, yung P1,000 mo, it will go a looooong way. Anim hanggang sampung damit, makakabili ka. Sabihin mong poporma ka ng maganda isang beses isang linggo, edi anim hanggang sampung linggo kang may damit.
Medyo pricey ang mga damit kapag new arrival, kaya kung feeling kuripot ka talaga eh maghintay ka ng mga dalawang linggo at bababa rin ang presyo nun.
Issues:
Ayokong sabihing sa ukay ko binili ang damit ko.
Okay lang, edi sige. Whatever floats your boat. Kung peg mo ang magpaka-social climber alta alta levels, ang piliin mong brand eh yung alam ng nasa circle mo. H&M, Uniqlo, Giordano, etc. Malilimitahan ka sa choices dahil karamihan sa mga damit sa ukay eh hindi kasikatan yung tatak o kaya intsik yung tatak o kaya walang tatak at all. Pero hindi ka naman mauubusan. Galingan mo nga lang sa pag-spot ng mga damit na branded, na sakto syempre sa size mo.
Speaking of size, kung ang na-spot mong damit eh malaki sa yo, pero hinayang na hinayang ka dahil ang ganda talaga sana, pwede namang pabawasan yun sa mananahi. Magkano lang naman ang pa-alter.
May friend ako, si Poli, ayaw niya ring sinasabing galing sa ukay ang damit niya, lalo na kung hindi naman tinatanong. One time sabi raw ng officemate niya, "Uniqlo yang damit mo diba? Buti na lang pala hindi ko yan kinuha." Hindi na lang daw siya nagsalita.
Madalas naman, ginagamit niya ang "padala" card. Bukod kasi sa tatak, tinatanong din sa kanya kung saan niya binili. Ang sinasagot lang niya lagi, padala ng ate niya, na pwede namang padala talaga ng ate niya dahil actually meron siyang dalawang ate na nasa Japan.
Pero ako, proud nga ako na sabihing galing ang damit ko sa ukay, lalo na kapag nababati nilang maganda. Kasi very practical. Yung katabi ko pa naman sa office eh branded ang damit araw-araw. Nung sinuot ko yung long sleeve na nabili ko sa ukay, nakasabay naman sa level niya. Nasa nagdadala lang talaga.
Hindi ko kilala kung sino ang dating may ari ng damit na bibilhin ko. Baka patay na yon, worse, namatay siya sa HIV. Magkasakit pa ako.
May mga damit sa ukay na may tag price pa, kaya kung concern mo ang pagiging 2nd hand at not-so-slightly used, yun lang ang bilhin mo.
At para naman sa mga feeling mo eh nagamit na, well, pwede namang maglaba. Tandaang sa ukay-ukay ka bumibili at hindi sa SM department store. Sabi ng nanay ko malakas daw kumupas ang mga damit na galing sa ukay kaya wag itong ihahalo sa iba mong mga damit.
Weh mano kung deds na ang dating may ari ng damit na bet mo? Ipagdasal mo na lang na sana ay nasa langit na siya ngayon, dahil marami naman siyang napasaya sa iba't ibang bahagi ng mundo. Hindi natin alam kung gaano kalaki at kalawak ang naaabot ng industriya ng ukay, noh. Pasalamatan siya through prayer at ipangakong pakaiingatan nang husto at irarampa with grace and elegance ang minanang damit.
Yun lang. Happy ukay shopping!
No comments:
Post a Comment