Mahigpit kong bilin sa sarili ang huwag ma-in love sa mayaman. Problema lang kasi yan. Totoong magandang basahin sa libro o panoorin sa pelikula ang you-and-me-against-the-world na mga eksena, pero ayokong i-apply yon sa sarili ko. Overly stressful. Nakakaikli ng buhay.
Masyadong madrama ang magmahal ng mayaman dahil madaming issue. Lalo na kapag ang mahal mo eh nag-iisang lalaki. Mataas ang expectation sa kanya ng mga magulang, at masakit para sa kanila ang malamang ang unico hijo nila eh hijo rin ang nagpapasaya. Ikaw pa tuloy ang may kasalanan kung bakit matatanggalan siya ng mana.
Kaya ako, as much as possible, ayoko ng mayaman. Ayokong madamay at maabala sa kanilang mayaman problems… gaya ngayon.
Epal naman kasi ni September. Malay ko bang mayaman siya. Ang alam ko lang kasi nung una eh matalino siya, mabait, saka simple. Saka pogi siyempre. Pero nung friends na kami sa FB, shet na malagket, yun na. Dun na lumabas ang katotohanan sa mga kasosyalan nya sa buhay.
Pero hindi naman niya pinaramdam sa akin ang aming economic differences. Doon nga lang kami lagi kumakain sa tindahang nagluluto ng pancit canton eh. P16 ang isa. Favorite ko yung calamansi, siya naman yung sweet & spicy.
Dahil nga simple eh sige na lang din. Baka this time, okay na. Hiniling ko sa itaas na sana, siya na talaga. Kasi ayoko nang ma-stress sa pag-ibig. Saka sinabi naman ni September na wag akong mag-aalala at siya eka ang bahala. Pero ang hindi niya alam, palihim na makikipagkita sa akin ang nanay niya—ay, mom niya pala.
So eto ngayon ako sa McDo, lumilinga-linga sa paligid para hanapin ang mahal na reyna emperatris. Hindi ako nahirapang makita siya, dahil nag-iisa lang naman siya doong ang lakas maka-Carmi Martin na gumaganap bilang Mrs. Daplas na ina ni September. Sa pearl necklace pa lang niya, alam ko nang masaklap ang kahihinatnan ng pagtatagpong ito.
Just the same, lumapit pa rin ako sa kanya at nagpakilala, tapos pinaupo niya ako.
“Inorder na kita. I hope you don’t mind.”
Saka ko lang napansin ang pagkain sa mesa. Cheeseburger deluxe, twister fries, at coke float.
Ito ang lagi kong order sa McDo. I know it’s creepy, pero kapag ganitong feeling ko eh nasa loob ako ng teleserye, expected na dapat na pinaimbestigahan na niya ako. Haller, sa pearl necklace pa lang ni madam eh alam ko na to.
"Thank you po," sabi ko, habang tinatanggal ang wrapper ng burger. "Kayo po, hindi kakain?"
"No. May dinner meeting ako after this. But don't worry about it. Mas importante itong pagkikita natin."
Oo. Mas mahalaga talaga to, kasi tatanungin mo ako kung magkano ang kailangan ko para layuan ko ang anak mo. Napanood ko na to. Ano ka ba naman, Carmi Martin.
"Bakit po pala gusto niyo akong makausap?" At magkano po ang offer niyo sa akin?
"Wala naman. Gusto lang kitang makilala. September talks about you a lot. He seems very happy."
Yiiie! Kilerg.
Yung mga ganitong chill-chill na usapan, ito yung calm before the storm. Kunwari magaan ang loob niya sa akin. Kunwari close na kami. Kunwari madalas na kaming mag-mahjong. Marami pang seremonyas at achuchuchu bago ang big reveal. At sana lang eh BIG talaga ang ire-reveal.
"Talaga po? Ano pong sabi?"
Might as well enjoy the moment. Andito na eh. Fishing-fishing din. I love compliments!
"He finds you very... innocent. Gusto ka niyang kasama because you're honest and funny."
Innocent, honest, and funny. Sige, I'll take that. Hihi. Kainesh.
"Grabe naman po sa innocent. Ang OA po ng anak niyo pakisabi."
Natawa siya ng konti. Omg napatawa ko si Carmi Martin. Maybe funny nga talaga ako. Or pwede rin namang part lang to ng kanyang elaborate na palabas.
"I think I agree with him," sabi niya, may patango-tango pa. "Mukha ka namang mabait, at mukha namang napalaki ka ng maayos ng mga magulang mo. Tell me about your parents."
As if namang hindi mo pa alam, eh pinaimbestigahan mo na ako sa iyong private detective. Ang tanong eh ano pa ba ang hindi nakarating sa yo.
"Ahm. Dati pong sundalo ang tatay ko. Retired na siya ngayon at masaya sa pagtatanim ng mga gulay. Mahilig po siyang magtanim kahit noon pa. Agriculture nga raw po sana ang gusto niyang kunin kung hindi lang siya pinilit ni lolo na mag-dentistry."
"Oh. He's also a dentist?"
"Ay opo. Military dentist po siya bale."
"Wow. That's impressive. Anong ranggo niya when he retired? Major? Colonel?"
Kailangan ko ba talagang sagutin yan?
"Ahm. General po."
O ayan, sinabi ko na.
"Oh," she said. Napataas pa ng kaunti ang mga kilay sa pagkabigla. Kaloka. Ang galing mo talagang artista. "Kaya naman pala you have this sense of... refinement. But does he know about your, uh, preference? I hope it's okay to talk about it."
"Ay okay lang po. Ahm. Wala naman po siyang nasabing hindi maganda tungkol sa pagiging ganito ko. Actually, sabi nga po niya, ako raw ang pinakanagmana sa kanya."
"I see. Ang mother mo, kamusta?"
Oh em tinatanong na niya si Myrna. Hahaha!
"Si Mommy po? Ahm. Nagte-training po siya ngayon sa call center. Kakatanggap lang po sa kanya last month."
"What do you mean? She applied for a job as a call center agent?"
"Opo." Ano, naloka ka?
"At her age?"
"Opo." Kita mo na. Pinaimbestigahan mo na nga ako. Hindi mo tinanong kung ilang taon na siya.
"How old is she?" Ay. Char. Masyado pala akong nangunguna.
"54 po. Ewan ko nga po sa kanya. Siya rin daw, hindi niya inakalang magtatrabaho siya don. Naharang lang daw po kasi siya sa McDo. Eh swerte naman pong pumasa siya sa lahat ng interview. Ayun, nandon na po siya ngayon."
Natawa na naman siya. Gusto ko na yata maniwalang totoo siyang tao, at hindi niya lang ako chinacharot.
"You have very interesting parents."
"Eh siguro nga po." Tapos nginitian ko siya.
"Now I understand kung bakit tuwang-tuwa sa yo si September."
"Natutuwa rin naman po ako sa kanya."
"Do you like my son?"
Muntik ko na siyang mabugahan ng coke.
"Po?"
"Gusto mo ba kako ang anak ko?"
Sheeeeet.
Commercial break.
Erich: Since nagtatrabaho ako sa media, I know that most of the TV commercials are not really true, especially shampoo ads. Kasi naman, may hair treatment talagang ginagawa sa mga models prior shooting.
Pero when I was asked to try Velvety shampoo, I was like, ok, libreng shampoo. But after using it, my gosh, I knew that I have to share it with everyone.
You see, my hair used to be so buhaghag and all. No, really. Chaka talaga siya. Pero after using Velvety for 3 days, sobrang napansin ko yung difference.
It must must be the melon extract that they specially developed for Filipino hair. I need to go to the salon no more. Velvety lang, kabog na.
(enter Gwapo Dude)
Gwapo Dude: Let's go?
Erich: Sure. See what I mean? Find out what amazing changes Velvety can do for you. Share it by tweeting me @Velvetyerich. Siya, I have to go (giggles). Bye!
Back ro regular programming.
"Gusto mo ba kako ang anak ko?"
Sheeeeet.
"Ahm. Ahm. Ano po. Pwede po."
Saglit na katahimikan.
And then she began her speech.
...Na masaya siyang masaya si September, dahil bihira lang niyang makitang ganoon kasaya si September sa bahay.
...Na si September ay nag-iisang lalaki.
...Na si September ay mabuting anak, masipag mag-aral, at hindi naging sakit ng ulo.
...Na hinayaan lang nilang magdesisyon si September para sa sarili niya dahil nga mabait naman siyang bata at alam naman niya ang tama at mali.
...Na ngayon ay kailangan niyang manghimasok. "Because I want the best for him. Because I love him," sabi niya.
...Na ang relasyon namin ay hindi makakabuti para sa anak niya.
...Na dahil nga nag-iisang anak na lalaki si September eh siya ang inaasahang magte-take over ng negosyong pinaghirapang itaguyod ng dad niyang si Christopher De Leon aka Mr. Daplas. Hindi raw pwedeng iba ang makinabang non sa bandang huli. Meaning, kailangang magkaroon ng September Daplas Jr.
...Na kung naging babae lang daw ako eh wala sanang magiging problema at baka nga lagi pa kaming magsho-shopping ng mga bag.
...Na dahil nga hindi ganoon eh sana maintindihan ko raw.
...Na kung talagang mahal ko si September, gagawin ko kung ano ang tama.
Tapos may hinanap siya sa loob ng bag. Finally, inilabas na niya ang checkbook. Pak. Confirmed. Nasa loob nga ako ng teleserye, at ako ang mahirap na bidang ino-offer-an ng malaking pera ng nanay ng leading man ko.
Pinirmahan niya ang tseke. Pinilas sa checkbook, tapos inabot sa akin. Tatanggihan ko naman, pero curious akong malaman kung paano niya prinesyuhan ang pagmamahalan namin, kaya tinanggap ko.
Pagsilip ko, hayun, blangko.
“Hindi ko alam kung magkano ang kailangan mo kaya ikaw na ang bahalang maglagay. Ang pakiusap ko lang, layuan mo na si September.”
Eto na yung part na magmo-monologue na ako, kasi iniinsulto na niya ako eh. Mamimili na lang ako kung mag-eeskandalo ba ako at magsisisigaw, o kaya pupunitin ang tseke sa harap niya into little bits tapos ihahagis sa kanya na parang confetti, o kaya bubuhusan ko siya ng coke float. Or I can also do all of it.
But I decided to be the bigger person. Isinoli ko ang tseke.
“Hindi niyo na po kailangang gawin yan, Mrs. Daplas. Gusto ko lang po ng mapayapang buhay at alam ko po kung saan ako lulugar. Wag po kayong mag-alala sa akin. Madali naman akong kausap.”
“I see,” ang nasabi na lang niya. Hindi yata niya inexpect na ganoon kabilis tatakbo ang negosasyon. Deal agad. “Sigurado ka?”
“Opo naman. Si September na lang po siguro ang kailangan niyong kausapin. Magkaklase po kami. Lagi kaming magkikita. Eh hindi ko na po kontrol ang nararamdaman niya para sa akin. At hindi ko naman po ido-drop ang subject ko para lang iwasan siya dahil hindi ko naman kasalanan na pareho kami ng inenrol. Pero kaya ko siyang dedmahin, pramis.”
“Fair enough,” sabi ni madam. Siguro hindi niya kinakaya ang kapal ng mukha ko. Gandang-ganda sa sarili ang leche.
“Salamat po sa pa-McDo. Una na po ako.”
“Ipapahatid na kita.”
“Ay, hindi na po. Kaya ko na to. Babay po.” Tumayo ako tapos iniwan ko na siya.
What the hell just happened, sa isip-isip ko. Actually, yun lang ang nasa isip ko sa paglakad papunta sa estasyon ng MRT. Sa pag-akyat sa hagdanan. Sa patawid sa kabilang side. Sa pagbili ng ticket. Sa pagpapa-check ng gamit sa guard. Sa pagdaan sa turnstile. Sa pag-abang ng tren. Seryoso, what the hell?
May nagtext.
I deposited a small amount to your account. Pambili lang ng candy. Thank you for doing this.
Ano ba naman to. Nag-abala pa. Laking abala.
Pagbaba ko sa North EDSA station, dumiretso muna ako sa ATM machine at nag-balance inquiry, bilang wala naman akong mobile data plan para mag-check ng account online.
In fairness sa laman ng ATM card ko: P300,084.50
Fuck. Three hundred thousand.
Parang lifetime supply na to ng candy ha. Sweet naman ni madam, papatayin ako sa diabetes. Mga mayayaman talaga, walang paglagyan ng pera. NKKLK!
Hay nako. Mayaman problems. Mayamans are a problem. Last na to talaga, as in no more mayaman moving forward.
So bukas, ito bale ang gagawin ko. Aabsent ako sa trabaho. Pupunta ako sa school para mag-drop ng isang subject. Tapos pupunta ako sa mall, bibili ako ng bagong cellphone. Siguro dadaan din ako sa Tom’s World at magpapa-load ng P5,000. Magkukulong ako sa videoke booth at kakanta nang kakanta nang kakanta nang kakanta.
Aabsent ulit ako kinabukasan. Nakakahiyang magpakita sa opisina na malat na nga eh namumugto pa ang mata.
No comments:
Post a Comment