Congrats, teh. Ang ganda. Sabi ni Cris, kaklase ko noon sa masteral.
Kabog ‘yung mga gwardya sa pintuan ng langit. Ang hot! Segunda ni Greggy, kaklase ko rin, gaya ni Cris.
Ayun ‘yung mga guard, lapitan niyo na, sabi ko. Sabik na sabik ang mga bakla.
Lumapit naman sa akin ang isang babae, mukhang pamilyar. May hawak na microphone na may logo ng Rappler. It finally dawned on me. Hi. I’m Kendra Kramer. You’re the playwright, yes?
Hi. Ako si Kenneth Cinco. Ken na lang. Tapos nagkamayan kami. It’s an honor na ma-feature ng Rappler itong play namin. Lagi kong pinapanood ang TheateRap. I’m a fan. Pa-autograph pala mamaya.
Oh, thank you, but tonight is about you and your beautiful work. Can I ask a few questions?
Sure. Sabi ko.
Pagkatapos ng ilan pang mga congrats, thank you, at babay, pumayapa na sa lobby ng PETA theater.
———
Sa parking lot, inabutan kong nakasandal sa kotse si September, hawak ang isang bouquet ng bulaklak. Tingnan mo nga naman ang pagkapormal—coat and tie talaga, at hindi nakatakas sa pansin ko ang dilaw na long-sleeve na regalo ko noong birthday niya last year.
Akala ko kung sinong artista ang kikidnap sa akin, eh. Bati ko.
Willing ka namang magpakidnap?
Bakit hindi? Kung ganyan ba naman ang dudukot sa akin, paliwanag ko habang tinitingnan siya from head to toe, sasabihin ko sa mga kuya ko na huwag na akong ransoman. Aabalahin ko pa sila. Higit sa lahat, aabalahin pa nila ako.
You’re hopeless, sagot niyang naiiling na lang. Anyway, congratulations, sabi niya, sabay abot ng bulaklak at halik sa pisngi. Saan mo gustong kumain?
Sa Jollibee, sagot kong walang gatol.
Seryoso?
Oo. Saan mo ba gusto?
Sa Sogo.
Biset. Nakakainis. Ikaw ang hopeless.
Matawa-tawa niyang binuksan ang pinto ng kotse. Ever the gentleman.
———
Siya sa manibela, ako sa passenger seat. Abala ako sa pagsagot sa text messages na karamihan ay congratulations mula sa mga kaibigan.
Buti ‘ka ko at nakarating siya on time. Pinalipad daw niya ang kotse sa NLEX kanina. Alas singko kasi ang tapos ng klase niya. Alas siyete ang play. Trapik pa man din sa Maynila lalo at Biyernes ng gabi.
Clinical Instructor si September sa unibersidad sa Meycauayan kung saan kami parehong nagtapos ng aming undergraduate degree. Masscom ako; Nursing siya. Kasagsagan ng nursing boom noong panahon namin. Isa siya sa mga nagpauto.
Matalino at masipag si September kaya natanggap agad siya sa Lung Center. Pagkatapos ng dalawang taon, lumipad na siya papuntang Amerika, kasama ng pag-ibig ko sa kanya. Ako naman, after graduation, nagtrabaho sa call center, kasama ng iba pang mga nursing graduate na hindi makapasok sa ospital sa sobrang higpit ng kompetisyon.
Hindi naman ako nagtagal sa call center. Umalis na ako pagkatapos ng walong buwan at ipinangako kong hinding-hindi na ako magiging call girl kahit kailan.
Sakto namang ni-refer ako ng kaklaseng si Ana sa LGB TV Network kung saan siya nagtatrabaho. OJT siya noon, naabsorb, naging talent, at kalaunan ay naging regular na empleyado. Ako ang inilagay sa posisyong iniwan niya bilang talent, at kalaunan ay naging regular na empleyado rin.
Pagkatapos ng kulang dalawang taong gabi-gabing overtime at araw-araw na overload, umalis na ako sa media. Naisip kong magbalik sa isa sa mga interes ko noon—ang pagsusulat.
Nagbalik ako sa pag-aaral at kumuha ng MA Creative Writing. Tinapos ko ito sa loob ng tatlong taon habang part-time na nagtatrabaho bilang artista sa isang musical theater company.
May musical play kami noon na ang pamagat ay NARSismo, tungkol sa mga nurse na tagumpay na nakapagtrabaho abroad na panay ang kuha ng mga selfie at post sa Facebook para inggitin ang mga kaibigan nila at palabasing maganda at masaya ang buhay nila sa ibang bansa kahit hindi naman. Gumanap ako noon bilang nurse na bumalik sa Pilipinas matapos ang ilang taon dahil may calling na maging edukador.
Nang nasa lobby na kami pagkatapos ng palabas, may pamilyar na boses na bumati ng congratulations sa likod ko, at parang nasa iskrip na panteleplay na humarap ako sa nagsalita in slow motion. Si September. Nakauwi na galing sa Amerika.
Kumain kami sa Jollibee noong gabing iyon. It turned out na ang ginampanan ko palang role sa NARSismo ay saktong-sakto sa buhay niya. Umuwi siya dahil gusto niyang magturo. Tutal, natapos naman na niya ang Master of Arts in Nursing sa Amerika, panahon na raw para ibahagi sa mga kababayan ang natutunan sa ibang bansa.
We had fun that night, and we have been having fun and living together for 18 years.
———
Huy. Tulala ka na sa gutom? Si September, dala ang tray ng pagkain namin. Inabala ako sa paglalakbay sa memory lane. O, fries, sabi niya, at isinubo niya ang isang piraso sa akin.
Naaalala ko lang ‘ka ko ang unang date namin. Parang ganito rin. Galing sa play, sumakay sa kotse, kumain sa Jollibee.
Sabi niya, sige, bilang selebrasyon ng unang gabi ng Langit in Rainbow Colors, magsasabi ako ng isang sikreto.
Anong sikreto?
Alam ko, college pa lang tayo, may gusto ka na sa akin, sabi niya sabay kagat sa Jolly Hotdog.
Muntik ko nang mabuga ang subo kong spaghetti. Sira. Ang tanda-tanda mo na, gumaganyan ka pa.
Totoo naman, ‘di ba? Tanong niya sa pagitan ng mga pagnguya.
Oo nga, pero hindi ko na sinabi sa ‘yo kasi alam ko namang mababasted lang ako. Iniwasan mo kaya ako no’ng may kumalat na tsismis na may relasyon tayo. Tapos pumunta ka pa sa Amerika. Malay ko bang uuwi ka tapos liligawan mo ‘ko.
Humigop siya ng Sarsi Float, nilunok ang kinakain, saka seryosong tumitig sa akin. I’m very sorry.
Hala. Peach Mango Pie, gusto mo?
No, really. Late na ‘to ng mga dalawang dekada, pero gusto kong sabihin sa ‘yo na I’m truly sorry. Hinawakan niya ang kamay ko…ano’ng nangyayari?? Alam kong nahirapan ka dahil malabo naman talaga ako dati. Ang totoo, gustung-gusto kita noon, kaso natakot ako sa sasabihin ng mga tao. Alam mo naman, kung anu-ano ang sinasabi nila tungkol sa tulad natin.
Uhm, okay, may pagka-awkward kong sabi. Pinagtitinginan na kasi kami ng mga nasa katabing mesa. May kumukuha pa yata ng video naming dalawa, pero deadma lang siya.
Nang magtrabaho ako sa States, nakita ko kung gaano sila ka-open doon. Na-realize ko na ano nga ba ang dapat kong ikatakot? Wala naman akong sinasaktang ibang tao. Kaya pagbalik ko sa Pilipinas, hinanap kita. Buti na lang wala ka pang iba.
Huwag kang susulat sa Maalala Mo Kaya, please. Baka kaltukan ka ni Lola Charo.
I love you.
Yiiie! Sigaw ng mga nasa paligid.
Utang na loob. Kwarenta y singko na kami. Hindi na kami teenager.
———
Nag-check ako ng Facebook kinabukasan. May mga nag-share na ng videos ng mga musical number ng Langit. Ang bibilis mag-upload. Dati, bawal kumuha ng pictures at videos habang nagtatanghal, pero lately, hinayaan na nila, basta’t huwag lang lalagyan ng tunog at flash ang picture para hindi makaabala sa mga artista. Bawal din ang pagkuha ng video ng buong play, dapat vignettes lang. Naisip ng mga theater company na magandang marketing strategy ito para makahikayat ng mas maraming manonood.
May friend requests na naman ako. Kailangan ko na sigurong gumawa ng pangalawang account para sa mga fan.
Marami akong tags sa status ng mga kaibigan, kadalasan ay mga congratulations din. Isa-isa ko silang pinasalamatan.
Pagkatapos, nag-post ako ng sariling status: Salamat sa mga nanood kagabi ng Langit in Rainbow Colors, The Musical. I appreciate the love. Sa mga gusto pang manood, tatakbo ang palabas sa buong October. Tara na sa rainbow at mag-slide-slide ever. –feeling awesome.
Nag-comment sa post ko ang PR officer ng show. Nakakagulat. Natutulog pa kaya siya? Lagi siyang online, eh. Nag-send siya ng link sa Rappler. Baka ito na ‘yung feature article ni Kendra. Click.
Langit in Rainbow Colors, The Musical: A more colorful heaven for gays
By Kendra Kramer
Posted on 09/30/2034 9:15 AM
What if everything in the bible is true all along? What if a gay person, who died believing that he lived a life of faith, charity, and service, was not allowed to enter the kingdom of heaven because he was married to the man he loved?
For Kenneth Cinco—playwright of Langit in Rainbow Colors, The Musical that had its opening show last night at PETA Theater—the answer is simple: create your own version of heaven.
The concept of the musical’s story is based on a text message that went viral in the early 2000’s. It says:
“PARI: Ang mga bakla ay walang lugar sa kaharian ng langit!
MGA BAKLA: Keri lang father, dun na lang kami sa rainbow mag-slide-slide ever!" (PRIEST: Gays do not have a place in heaven! GAYS: It’s alright, father, we’ll just slide down the rainbow!)
The message was comical, but for Cinco, it personally hit a nerve.
“Homosexuality and religion are very personal issues for me. The bible says homosexuals, adulterers, thieves and others will not enter heaven,” shares Cinco, adding, “It is absurd to even think that gays are the same as them. Adulterers and thieves intentionally hurt their neighbor. Gays just love. Since when did loving become evil?”
With colorful sets, props, and lighting effects, the play presented the magical paradise created by the souls of homosexuals who, upon death, were denied entrance to God’s kingdom. They call their own heaven Bahag na Hari, which—when said by an actor that plays a Kapampangan character—has a different meaning without the letter /h/.
Langit in Rainbow Colors, The Musical’s fun songs, beautiful choreography, and engaging story will surely make you laugh long and hard, but think longer and harder. Don’t miss this show.
Show dates: Oct. 7, 14, 21, and 28 at 7:00 PM; Oct. 8, 15, 22, and 29 at 3:00 PM and 7:00 PM. Venue is at PETA Theater.
———
Nag-aral ako sa isang catholic school na pinatatakbo ng mga madre mula kindergarten hanggang elementary hanggang highschool. Masasabi kong naging loyal nga ako—naging loyal, pero hindi sigurado kung naging faithful.
Grade 5 ako noong itinuro sa amin ang kwento ng Sodom at Gomorrah, ang nakakabahala at nakakabalisang kwento ng Sodom at Gomorrah. Hindi pa ako out na bakla noon, kaya’t isipin niyo na lang ang napaka-awkward na sitwasyon ko habang tahimik na nakikinig sa pagtalakay ng guro sa kinahinatnan ng mga bayang makasalanan. Iyon na yata ang isa sa pinakamatagal na tatlumpung minuto ng buhay ko, dahil hindi man nagsasalita, nakikita kong sa likod ng isip ng mga kaklase ko, mayroon nang paghuhusga. Doon ako unang nakaramdam ng “disconnect” sa aking paniniwala.
Gayunman, masasabi kong naging napakaaktibo ko pa rin sa mga gawaing pangkatoliko sa eskwelahan at sa aming parokya. Naalala kong tuwing buwan ng Oktubre, kung kailan month of the Holy Rosary, araw-araw kaming nagdadasal ng rosaryo bago magsimula sa klase. Gusto kong laging nagle-lead ng dasal. Sinisiguro kong sakto ang bilang ng mga Hail Mary at hindi ko na kailangan ng kopya dahil kabisado ko ang lahat ng dasal kahit iyong mga mahahaba gaya ng Hail Holy Queen, hanggang sa mahabang listahan ng Litany of the Blessed Virgin Mary.
Member ako ng Legion of Mary noong highschool at kasama ako sa sangay nitong Legion Choir na kumakanta sa misa kada Linggo. Alas kwatro y medya ang misa, alas tres y medya pa lang nasa simbahan na kami para mag-ensayo, at lagi akong maaga.
Kasabay noon, bahagi rin ako ng church-based theater group na nagtatanghal ng mga kwentong kadalasan ay biblical. Taun-taon ay nagpapalabas kami ng senakulo. Bukod doon ay itinanghal din namin ang buhay ni Pedro Calungsod, ang kwento ng batang KaTuGa (Kain, Tulog, Gala), ang istorya ni Rumpelstiltskin (kung saan ako ang title role), at marami pang iba.
Sa pagbabalik-tanaw, masasabi kong marahil ang sining ang naglapit sa akin sa pananampalataya, pero sa totoo lang, sa palagay ko, ginamit ko lang ang mga gawaing pansimbahan o panrelihiyon bilang instrumento para sa sariling sining. Ang pangunguna sa pagdarasal ng rosaryo ay isang performance—ako ang artista at ang mga kaklase ang manonood. Ang kanilang tugon sa mga dasal ay kumpirmasyon ng kanilang atensyon, at iyon ang inenjoy ko.
Hindi siguro ako magsisimba kada Linggo kung hindi ako member ng Legion Choir. Dahilan ko na lang ang kasabihang singing is praying twice. Ang pagpunta sa misa ay para lang talaga makakanta. Hindi rin ako pupunta sa simbahan araw-araw pagkatapos ng klase kung wala akong rehearsals sa teatro. Everything was about performance. For art. For my own need to express. Nagkataong ibinigay ng simbahan ang pagkakataon.
———
19-tralala pa lang, malakas na ang ugong ng tsismis tungkol sa end of the world aka end of days aka judgement day aka apocalypse aka second coming.
Obsessed na obsessed tayo sa kaisipang malapit na ang katapusan ng mundo dahil nakasaad ito sa banal na kasulatan, at maraming naniniwala sa banal na kasulatan dahil halos lahat ng nakasaad dito, ayon sa mga naniniwala, ay nangyari at nangyayari na, masyadong tugma para sabihing ang lahat ay isang malaking coincidence.
Kaya naman sa mga nalalabing araw, mas dapat na pagbutihin ang sarili. Gawin ang lahat ng makakaya upang mamuhay sa lupa tulad ng pamumuhay ni Hesus noon, nang sa gayon ay maging kalugud-lugod sa mata ng Amang Maylikha at makamtan ang kaligtasan pagdating ng araw ng paghuhukom.
Subalit hindi lahat ay maliligtas, isa na doon ang mga bakla.
———
Nasa 2nd year college na ako noong dumalo kami sa isang seminar / mini-concert na may pamagat na Sex and Love sa imbitasyon ng aming guro sa Humanities. It turned out na fellowship pala iyon ng Born Again Christians. Ayos naman mostly, dahil may tugtugan, kantahan, stage play, at iba pa. Kaso sa dulo ng event, kung saan nangyari ang seminar, doon na ako nagsisi nang kaunti—o sige, nang major major na pagsisisi. Ganito kasi:
Sabi ng speaker na tatawagin nating Mr. Jones (dahil siya ay puti), napakalaki ng pintuan ng impyerno, at di hamak na mas madaling pumasok dito kaysa sa langit. Sa katunayan, para mas maipakita ang pagkakaiba, ginamit niyang halimbawa ang malaking entrance ng club house kung saan kami naroon bilang daan tungong impyerno, at mayroon siyang makeshift na pintuang sa sobrang sikip, kailangang tumagilid para makadaan, iyon ang papuntang langit.
Mayroon siyang hawak na mga placards. Ipinakita niya isa-isa. Una, fornicators. They will go. Straight. To hell! Sigaw niya, sabay tapon ng placard sa may entrance ng clubhouse. Sumunod ang adulterers. Tapos murderers. Tapos homosexuals. Doon ako nagitla.
Pakiramdam ko noong mga oras na iyon, ako ‘yung placard na hawak niya, na in slow motion ay itinapon niya sa daan tungong impyerno, habang ibinibitaw ang mga mabibigat na salitang… They will go. Straight. To hell.
Matapos ubusin ni Mr. Jones ang hawak na placard, itinuloy niya ang talk. Repentance is the only key to heaven. Now that I already repented for my sins, I know I will go to heaven. Tapos ipinilit niyang ipasok ang sarili niya sa makeshift na pintuan ng langit. Muntik pang hindi magkasya.
Sa huling bahagi ng seminar, sinabi niyang kung sino raw ang gustong makatanggap ng kapatawaran ng Diyos at ng kanyang walang hanggang pagmamahal, tumayo at pumunta sa harap.
Natural na sa simula ay nahihiya ang lahat, pero kinalaunan ay lumakad ang isa, na sinundan ng isa, at ng isa pa, hanggang sa sunud-sunod na silang nagsitayuan at lumakad sa harap.
Hindi ako tumayo.
Sinabi na niya kasing hindi makakapasok sa langit ang homosexuals. Para saan pa kung tatayo ako, gayong hindi naman pala ako tatanggapin. Hindi ko pinagsisisihan ang pagkatao ko. Mahal ko ang sarili ko. Mahal ako ng mga taong nasa paligid ko sa kung sino ako. At alam kong mahal din ako ng Diyos kahit bakla ako.
At kung gusto ko ng kapatawaran, lalapit na lang ako sa pari at mangungumpisal, o kaya ay magdadasal mag-isa. Hindi ko na kailangan pang lumantad sa lahat at ipagsigawan na nagsisisi na ako. Hindi iyon isang bagay na ipinagmamayabang. Sabi nga sa bible, kung gusto mong humingi ng tawad sa Panginoon, pumasok ka sa kwarto at isara mo ang pinto at doon ka magdasal.
Nakatayo na ang halos lahat ng kabataan. Mabibilang na lang sa daliri ang mga nakaupo. Isa ako roon.
If you think you are perfect and you don't need the forgiveness of the Lord, then you don't have to stand, pangungonsensya ni Mr. Jones.
Hindi ako perpekto, pero hindi ako tumayo.
———
Ang talagang nakakapatid ng pisi ay iyong ideyang ang lakas nilang makapagturo ng mga hindi maliligtas, tapos napakadali nilang sabihing assured na silang mapupunta sila sa langit na para bang ganoon lang iyon kadali. Diyos ba sila?
Hindi lang ito eksklusibo sa mga Born Again. Nag-interview ako ng apat na kaibigang kabilang sa iba’t ibang Christian religion—Born Again, Iglesia ni Cristo, Church of the Latter Day Saints, at Members Church of God International.
Basically, lahat sila ay nagkakaisa sa ganitong tindig: Ayos lang ang maging bakla. Walang masama sa pagiging bakla. Mahal namin ang mga bakla. Huwag lang silang gagawa ng bagay na hindi katanggap-tanggap sa Diyos. In short, hindi sila pwedeng makipag-sex sa kapwa nila lalaki, dahil nakasaad naman na ito sa bible, ang linaw-linaw.
Ang nakakatuwa at nakakatawa lang sa buong proseso ng pakikipanayam ko sa kanila, mayroon silang kanya-kanyang bersyon ng katotohanan at kaligtasan. Ibig sabihin, para sa mga Born Again, sila ang nasa tamang landas, at kawawa ang iba dahil hindi sila maswerteng makakapasok sa loob ng bahay ni Kuya. May ganoon ding palagay ang bawat grupo. Kaya naman ikaw na nasa gitna ng magulo at nakakalitong tunggaliang ito, mapapatanong sa sarili kung ano o sino ba ang tunay na nagsasabi ng totoo?
———
Nag-aaral na ako ng masteral nang isulat ko ang unang bersyon ng Langit in Rainbow Colors. Isa lamang itong 1-page na dagli na ginawa ko bilang sample work sa isang subject. Bago maging isang full-blown musical production, heto ang kanyang orihinal na porma.
Langit in Rainbow Colors
Kenneth Cinco
Dati ko pa naririnig ang kwento tungkol sa Kaharian ng Bahaghari. Ang tsismis, doon daw mapupunta ang kaluluwa ng mga mababait na beki. At ngayon, finally, ay malalaman ko na ang katotohanan sa likod ng chikang ito na nag-circulate sa text messages sa lupa bilang isang joke.
Kamamatay ko pa lang two hours ago. Mainit-init pa, lalo na ang ulo ko matapos makipagtalo kay kuyang ermengarde (guard) sa pintuan ng langit. Bawal daw kasi ang bakla. Ay, warla talaga. Umapela pa akong naging mabuting tao naman ako at marami pa akong pinautang na hindi na siningil. Pero waley. Wit talaga pinajosok ang beauty ng lola niyo. Sayang. Andon na eh. Abot tanaw ko na yung mga gwapong naglalaro ng basketball.
Anyway McArthur Hi-way, change location si yours truly. Kakaloka. Sa lupa, pahirapan na sa pagpila at pag-enroll sa UP, pati ba naman dito sa afterlife, extra challenge pa rin kung saang sulok ng walang hanggan ako lulugar? Buti na lang, nakita ko ang isang malaking arkong kulay bahaghari. Love at first sight. Naramdaman ko, syet, dizizit, dito ako belong.
Avisala, bati ko sa bantay na naka-pleated mini skirt at in fairness, makinis ang legs.
Happy fiesta, sagot niyang may pang-cheer dance na smile. Encantadia fan ka ha. Apir tayo diyan! At malugod niya akong pinatuloy at ipinasyal sa Bahag na Hari, ang makulay na kahariang itinatag ng mga beki para sa mga beki.
Ang sigla. Ang sigla-sigla. Kulang ang salita para ilarawan ang paraisong iyon. Bilang globally-competitive ang mga bakla, laging may ginaganap na contest—singing contest (halos Regine ang mga piyesa), dance contest, at siyempre, beauty pageants. At dahil nag-uumapaw sa creativity ang mga kapatid, madalas ding magkaroon ng fashion expo, painting exhibit, songfest, at book launch. Para naman sa mga athletic type, merong rhythmic gymnastics, at liga ng national sports ng mga bektas: volleyball!
Sobrang saya, parang langit din! Nasabi ko.
Hindi rin, eksena ni ateng bantay. Mas masaya dito kaysa sa heaven. Alam mo kung bakit?
Bakit?
Kasi—paliwanag niya—wala tayo doon.
Pagkatapos ay tinubuan siya ng transluscent na pakpak, at lumutang. Pero bago niya ako tuluyang iwan, sabi niya, relax lang beks, konting kembot na lang, iimbitahin na nila tayo. Iyon lang at lumipad na siya papalayo.
---
Ayon sa pinakahuling edisyon ng World Almanac (2034), ang mundo ay kasalukuyang may 237 bansa mula sa kulang 200 noong nakaraang dalawang dekada. Maraming mga bansa ang naghati-hati dahil sa masyado itong malaki, o dahil sa pagkakaiba-iba ng paniniwala.
Ang India, halimbawa, ay nahati sa North at South India noong 2018. Ang Hongkong ay tuluyan nang humiwalay sa China noong 2021. Sa Pilipinas, nagsarili na rin ang Mindanao at tinawag itong Kingdom of Mindanao noong 2025.
Sa 237 mga bansa sa buong mundo, 86 dito ay legal na ang same-sex marriage. Nagkaroon ng pink revolution na nagsimula noong 2030. Halos isang daang porsyento na ang may access sa internet, kaya naman naging napakamakapangyarihan ng social media para pag-isahin sa iisang adhikain ng LGBT community sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa kabila nito, sa Pilipinas ay mainit pa ring pinagtatalunan ang pagsasabatas ng Same-sex Marriage Bill. Malakas pa rin ang pagtutol ng simbahan. Kahit ikatwiran ang classic na Separation of Church and State sa konstitusyon, malaking salik pa rin ang pananampalataya sa diskusyon lalo na sa konggreso.
Nasa 40’s na kami ni September, at labingwalong taon na kaming nagsasama. Single pa ba talaga kami?
Ito na siguro ang pinakamagandang pagkakataon, sabi ko sa sarili ko, na magbigay ng kontribusyon sa LGBT sa bansa. Kaya isinulat ko ang Langit in Rainbow Colors, The Musical. Hindi pwedeng walang langit ang mga bakla. Kung walang nakalaan para sa amin, pwes, kami ang lilikha.
Note: Final paper ko ito sa isa sa mga subject ko sa grad school. Babad ako sa pagbabasa ng A Small Place ni Jamaica Kincaid noong sinulat ko to.
No comments:
Post a Comment