Dati, noong nagtatrabaho pa ako sa kapuso network, kapag tinatanong ako ng "San ka na ngayon?" ang lagi kong sagot eh "Dyan lang sa Kamuning." Nagsawa na kasi ako sa mga nanghihingi ng ticket sa Eat Bulaga at sa mga humihiling na ipasok ko sila sa network kahit janitor lang.
Ngayon sa RJ, kapag tinatanong nila ako kung nasan na ako, sinasabi ko na. "Sa RareJob."
"Ano yun?" Sasagot naman sila.
Ipapaliwanag ko na kumpanya yon na nagtuturo ng English sa mga Japanese. Through Skype ang mga lesson at home-based ang mga tutor.
"Ah. Edi magaling kang mag-English?"
Lagi yan. Walang palya. Iniisip ko kung yung mga nasa accounting o kaya sa IT department namin eh tinatanong din ng ganon. Ang assumption kasi agad ay tutor kami. Tapos magtatanong na sila ng ilang bagay tungkol sa pagiging tutor. Saka ko naman ipapaliwanag na hindi talaga ako tutor kundi trainer ng mga tutor.
"Ah. Edi malaki ang sweldo mo?"
Gusto kong sumagot ng oo at ipagmayabang na ang yaman ko na. Na maiinggit silang lahat sa akin dahil nagpapakaalila sila ng nuwebe haggang dose oras habang ako eh limang oras lang. May break pa sa gitna.
Pero dun lang tayo sa totoo. Hindi kaya ng trabaho ko na maghulog ng condo unit, o kaya ng Sinski (wala naman akong balak maghulog ng Sinski, example lang).
"Ah. Edi hindi ka nakakaipon?"
Hindi. Siguro dahil hindi naman yon ang goal ko sa pagtatrabaho sa RJ. Kasabay ng pagpapart-time ko doon ay ang pag-aaral ko sa graduate school. Kasalukuyan akong kumukuha ng MA Filipino: Malikhaing Pagsulat sa UP. Pinag-aaral ko ang sarili ko. I stopped asking for allowance nung nakuha ko na ang una kong sweldo sa una kong trabaho bilang call center agent.
I've been living a double life for two years now. English ang ginagamit sa trabaho, Filipino ang minamaster sa paaralan. Maraming nawiwirduhan sa sitwasyon ko. Isa na don ang tatay ko. Hindi raw niya maintindihan kung ano bang plano ko, at kung meron nga ba akong plano at all. For sure naman daw eh meron dahil hindi naman ako mag-aaral kung wala.
Pumasok ako sa grad school dahil ayoko na sa media. Nag-e-explore ako ng ibang options at naisip kong baka pwede kong balikan ang writing. Blessing talaga na na-employ ako sa RJ dahil yon ang nagpapaaral sa akin ngayon. Hangga't hindi ako natatapos sa school, doon lang muna ako. Saka na ako magpaplano ulit kapag tapos na. Let's cross the bridge when we get there.
Kasi kung usapin lang naman ito ng trabahong may malaking kita, I guess madali namang makahanap nun. Hello. Call center is just one resume away. Sa building lang namin may tatlong call center.
Speaking of call center, maraming tutor applicants ang may call center experience. Most of them will find a way to let us know that they were (or still are) call center agents.
Ako: Do you have online teaching experience?
Applicant: No, but I have been in the call center industry for x years now.
Ako: So how does that relate to teaching? (kay Riz galing tong tanong na to, ginaya ko)
Applicant: Ahm. Ahm. Well. We speak in english.
Pet peeve ko yan. Marami kasing tutor applicants ang komo kumakausap ng American o British o Australian eh masyado nang mayayabang. Saka pa-perky.
Applicant: Okay student. I'm gonna be reading the first paragraph and I'm gonna be asking you to read the second one. A'ryt?
Please lang. Tantanan niyo na yang kaka-gonna. Nakakawalang gonna. Lol. Ang korni ko dun. Last ko na swear.
Ako as student: Please send me a picture.
Applicant: Okay, student. Let me go ahead and look for a picture so I can go ahead and send it to you. A'ryt?
Isa pa to. Tantanan niyo na rin yang kaka-go ahead. Hindi naman to relay call. At saka sinabi na ng student na sendan siya ng picture. Let me go ahead ka pa rin. Kaloka!
Marami pang common mistakes ang mga aplikante na sa sobrang dalas naming ma-encounter eh gusto na lang naming maglaslas.
Halimbawa, yung "for a while" saka "with regards" saka "same resemblance" saka "you'll gonna." Ay kaloka talaga yung "you'll gonna."
Common problem din ang vowel sounds. Dahil lima lang naman ang sa atin, marami sa atin ang lito-lito sa napakaraming vowel sounds ng American english.
Kunwari, "laptop" saka "chat box." Maraming nabubulol dyan, including Toni Gonzaga. No offense kay Toni pero sabi niya dati Sony VAIO loptop. Nalungkot ako for her. Pero magaling siya sa 4 Sisters And A Wedding, ha. Importanteng masabi ko yon (although I think mas magaling nga lang si Bea Alonzo dahil ang haba ng moment niya don).
Si Boy Abunda naman may issue sa kanyang long e. Nagiging short i. Kunwari, yung "seen" nagiging "sin." Madalas yan sa The Buzz. Pero keber, ang mahalaga naman eh nagagawa niya nang maayos ang trabaho niya, which is mag-interview. Lagi nga akong nanonood ng The Bottomline eh.
Pero kapag mag-a-apply silang english teacher, hindi pwedeng hindi pansinin yung mga ganung mali. Hindi namin pwedeng palagpasin yung "please" na nagiging "ples," dahil una sa lahat, hindi naman sila nag-a-apply bilang customer service personnel ng SM.
Maraming bumabagsak dahil sa english proficiency. Non-negotiable ang EP dahil hindi naman iyon something na mababago o mai-improve mo overnight. Either proficient ka o hindi. Ganon. But ironically, maraming aplikante ang sinasabing gusto nilang maging tutor para ma-enhance ang kanilang english skills. Eh ang kailangan namin eh yung meron nang mataas na english skills. So pano yun? Ano na??
Isa pang issue para sa akin eh yung pag-assess ng mga aplikanteng foreigner. Halimbawa eh yung mga Nigerian at Indian. Nakaka-guilty na bawasan ang score nila dahil sa kanilang accent o pronunciation. Lakas maka-racist.
Lalo na kapag mga British o Australian o New Zealander. Mga native english speaker talaga. Mas magaling pa sa akin nang milya-milya pero dahil meron silang kanya-kanyang accent, paanong gagawin ko? Eh merong pronunciation guide sa dictionary (na nakabase sa American english).
Ganon pa man, kahit may mga challenges, masasabi kong relatively easy pa rin ang trabaho ko ngayon kumpara sa mga dati kong napasukan. Kasi bukod sa limang oras lang akong nasa opisina, paglabas ko eh malaya na talaga ako, as in totoong malaya. Yung wala nang tatawag sa akin sa cellphone na work-related.
———
Sinalubong ko ang aking 2nd year anniversary sa RareJob nang nasa bottom ako ng ranking among part-time trainers (may mga pagkakataong masayang nasa bottom pero hindi ito yon). Pangit kasi ang attendance ko noong nakaraang buwan. Lima lang naman kaming part-timers kaya pwedeng isiping walang matatalo sa amin dahil ang panglima ay maaawardan pa ring 4th runner-up. At ako yon. Ako si 4th runner-up Ms. Universe 2010 Maria Venus Raj. Wala nga lang korona.
Babawi na lang me this year. Happy 2nd anniversary sa akin.
No comments:
Post a Comment