2.18.2015

Tango

Kasulukuyan kaming nagse-stretching nang pumasok si Mrs. Clemente.

Eager ang lahat na makapag-set ng magandang first impression. Kung sabagay, disiplina ang isa sa mga unang idine-develop sa mga estudyante sa Limbo*. Second year na ang karamihan sa amin, kaya normal na lang ang tamang preparation gaya ng stretching bago magsimula ang klase, lalo na sa klaseng tulad nito.

* Sa Maharlika Academy of Arts and Design, Limbo ang tawag sa unang taon ng mga mag-aaral, at ang tawag sa kanila ay Limbo Dwellers. Sadyang inilaan ang Limbo para i-explore ng mga Dwellers ang kanilang mga interes hanggang makapili sila ng kukuhaning major sa susunod na school year. Ang susunod na taon ang kanilang first year. Graduation na pagkatapos ng third year. 

Dire-diretso siyang lumakad papunta sa harap. Eksena masyado ang kanyang high-low skirt. At hindi rin naman magpapahuli ang kanyang stiletto shoes. Alam kong dance professor si Ma’am Clemente pero nakakamangha pa ring pagmasdan na pati paglalakad niya ay parang isang sayaw. May musikang nalilikha ang takatak ng kanyang takong sa kahoy na sahig. Para siyang diwata, na imbis na isang pouch ng pixie dust o isang enchanted twig, ang hawak niya ay ang pinakabagong model ng Singkamas tablet.

Kanya-kanya kaming bati ng good morning.

“Good to see you guys preparing. I like that attitude,” bati pabalik sa amin ni Ma’am habang iniisa-isa niya kami sa tingin.


Sinilip niya ang kanyang tablet at isa-isa ring binanggit ang mga pangalan namin. 17 ang nag-enrol sa klasi ni Ma’am Clemente. Apat ang galing sa Musical Theater Performance, kasama na ako. Siyam ay galing sa Dance. Galing sa iba’t ibang major ang natirang apat. Wala namang absent ngayong first day.

“Welcome to my class. Unless nandito kayo by accident, you know that this is Dance 130: Dance as a Language.”

Damang-dama ang authority sa boses ni Ma’am. Maski sa tindig. Diretso ang likod, at hindi yumuyuko. Nakakakaba, pero nakakasabik din. I can never go wrong with a choreographer in So You Think You Can Dance Philippines. Paniguradong marami akong matututunan.

Kilala si Ma’am bilang istriktong guro, pero keri lang. Ang bakal, binababad muna sa baga at binabayo bago maging espada. Bet ko talaga yung mga ganyang binabayo, at bet ko rin ang mga espada.

“This is a dance class, so I expect na sasayaw kayo kahit ang major niyo ay Graphic Design o Flower Arrangement. Walang pumilit sa inyong mag-enrol dito kaya ayoko ng aarte-arte.”

Bring it on. Plano ko talagang pagbutihin dito sa Maharlika. Lalo na ngayong. . . mas marami na akong oras. Kaya mas makakapag-concentrate na ako sa mga bagay na dapat ko naman talagang i-prioritize gaya ng pag-aaral.

“Listen,” pagpapatuloy ni Ma’am, “Ang operative word sa klaseng ito ay language. Ibig sabihin, ang sayaw, gaya ng maraming bagay sa mundo, ay may mensahe. Maraming ideya o damdamin ang hindi kayang tumbasan ng salita, that is why we have art.”

To which we agree. Nod-nod naman kami.

“Now, let’s get the ball rolling by having our first dance this semester.” Muling sumilip sa Ma’am sa hawak na tablet, naghanap ng pangalan. “Kenneth Cinco, from Musical Theater Performance.”

“Ma’am,” pag-acknowledge ko.

“Here in front,” utos niya.

Uy, buena mano.

Naglakad ako papunta sa harap, pasimpleng sinilip ang sarili sa salamin sa kanang bahagi ng dance studio. Sinilip ako pabalik ng isa, dalawa—hindi mabilang na repleksyong bunga ng pagpiping-pong ng tapatang mga salamin.

“Just so you guys know, sasayaw naman kayong lahat. I just want to see your individual dancing skills para alam ko kung paano bubuuin ang syllabus niyo,” paliwanag niya sa klase, and then she turned to me and said, “I saw your play NARSismo last semester. You did very well.”

“Thank you, Ma’am.” Laki ng tenga ko.

“Do you dance ballroom?“

“I can learn the choreography, Ma’am.”

“Who dances ballroom here?” Sabi niya sa klase.

Nagtaasan ang ilang kamay, pero bago pa man makapagsalita si Ma’am, bumulahaw ang malakas na halakhak galing sa corridor.

“Sino yon?" Nag-iba ang timpla ni Ma'am. "Tawagin niyo nga at papuntahin dito.” Mabilis na lumabas ang isa kong kaklase na nakaupo sa likod malapit sa pinto. “Gusto niyang magpapansin? Fine. I’ll give him what he wants. Ang aga-aga ha.”

Nakarinig pa kami ng mga tuksuhang “hala lagot ka” bago bumalik sa dance hall si classmate, at kasunod niyang pumasok ang isang lalaking ang tanging suot na pantaas ay vest.

Shit.

“I’m sorry, Ma’am,” bungad niya habang kamot-ulong nakatayo sa likod. Tulala ang buong klase sa kanya. Tumingin siya sa akin. Umiwas ako ng tingin.

“So it was you.” Sabi ni Ma’am. Napansin kong tumaas ng bahagya ang isang kilay niya. “Wala ka bang klase?”

“Wala po. Absent po si Sir Martinez.”

“What time is your next class?”

“1:30pm, Ma’am.”

“Hmm.” Sumilip sa relo si Ma’am. 10:15am pa lang. “Kaysa magpakalat-kalat ka sa labas at mang-abala ng ibang klase, hihiramin muna kita. Come here. Let’s put your talent to good use.”

What?

Lakad naman siya palapit samin ni Ma’am.

“Everyone,” tawag ni Ma’am, “This is September Daplas, Contemporary Dance major. He was my student in this same subject last semester.” Then she turned to September. “Do you still remember that Argentine tango routine that you performed with Elena for your final exam?”

“Yes, Ma’am.”

“Good. Dance it again. Kenneth will be your partner.”

Oh my God.

Lord, please tell me this is not happening.

Anak, this is definitely happening, sabi ni Lord.

Nababaliw na ako.

“Hi, Ken.” Sabi niya sabay ngiti.

Neknek mo hi, sa loob-loob ko.



Cue flashback.



“Alam mo ba ang difference ng hi at hello?” 

“Hindi. Ano?” 

“Ang hi, sinasabi mo sa mga taong malapit sayo. Ang hello, sa mga kakilala lang. Kaya kapag sumasagot ng telepono, diba hello ang greeting? Kasi hindi mo pa naman kilala.” 

“Ah okay.” 

“Kaya kung napapansin mo, kapag tinetext kita, laging hi, hindi hello.” 



“Hello.” Sagot ko.

“Excuse me, Ma’am,” sabi ko kay prof, “Baka po mas mabuting tunay na babae na lang ang i-partner niyo kay Temtem—I mean, kay September.” Fuck. Nadulas pa ako.

“Oh. Temtem, huh?” Narinig kong nag-yihee ang mga kaklase ko. “I see that you already know each other.”

Lupa, bumuka ka na. Kainin mo na ako, please.

“Bakit? Ayaw mo? Because it’s awkward to dance tango with another male? Mr. Cinco, this is Maharlika Academy of Arts and Design. We are all artists. We break the tradition. We push boundaries. I’m quite surprised that you are discriminating yourself.”

Hala. Sermon galore. On my first day. Babay na sa magandang first impression.

“And besides,” Oh my God hindi pa siya tapos. “May bersyon ng kasaysayan na nagsasabing ang tango ay originally sinasayaw ng dalawang lalaki. You know why? In Buenos Aires at the beginning of the 20th century, may dalawang paraan para mapalapit sa mga babae. Una, sa putahan. Pangalawa, sa sayawan. Ngayon, bago sumugod sa sayawan itong mga magkukumpare, nagpa-practice muna sila. Sila-sila, magkaka-partner.”

Bilib na bilib naman ang mga kaklase ko sa lecture ni Ma’am. Gusto kong sumigaw ng ‘Echusera! Hindi totoo yan!’

“Actually, Ma’am,” Sabat ni September. Shit, pabida. “Si Ken po ang partner ko nong nire-rehearse ko yung piece for my final exam.”

You actually need to say that?

Matipid na ngumiti si Ma’am. “Interesting,” sabi niya, “See? You repeated history. Maybe the myth about queer tango wasn’t a lie after all.”

No comments:

Post a Comment