Nakakadalawang missed call na pala si Carter sakin pero hindi ko namalayan kasi busy ako sa paglalaro ng Tekken 6. 11am yun. Umagang-umaga eh nasa arcade ako. Welcome to my delinquent side.
Nagkasundo kasi kaming mag-date ni Carter sa Quantum nung nalaman niya na naglalaro ako ng Tekken. Sabik kasi yon sa makakalaban dahil kahit may ps3 siya sa bahay eh wala naman siyang kalaro, bilang puro babae ang mga kapatid niya at wala sa kanilang interesado sa video games.
Nag-practice daw siya eka. Kazuya raw ang ginagamit niya saka Heihachi on the side. Ipapakita raw niya yung move na God Fist. Saka yung 10-hit combo. O sige kako.
Magkano raw ang token. Sabi ko taglimampiso pero may dagdag na token pag bumili siya ng marami. Naka-vendo machine naman ang tokens so palalamunin lang niya ng bente or singkenta tapos magsusuka na yon ng token na barya-barya.
Umupo na siya sa tabi ko tapos naglaglag ng token tapos pinindot ang start. Sumigaw ang malakas na "New challenger!"
Ako naman ang character ko eh si Lili. Obvious naman diba. Saka Xiao Yu on the side. Magkano kako yung binili niyang token. Bente raw. Bale 4+1 yun.
Naubos yung token niya after 4 games. Hindi man lang siya nanalo kahit isa.
Eh halagang singkwenta yung binili ko. 10+3 tokens na dalawa lang yung nagamit ko kasi nga hindi naman ako natalo. Akala ko naman kasi eh magiging mainit ang labanan at kakailanganin kong mag-insert nang mang-insert. Eh ayaw na niyang bumili ulet, kaya sige kako, ubusin na namin yung token ko.
Lumalabas daw yung pagkalalaki ko sabi niya. Ganon? Habang mga maaarteng babae ang characters ko? Medyo kaloka. Bakit daw ang galing ko. Siguro raw wala akong ginawa sa bahay kundi maglaro. Well, dati, oo.
Siguro kaya hindi ako nakaka-relate sa mga pinagkekwentuhan ng mga kaklase ko noon tungkol sa mga pelikula gaya ng 50 First Dates at The Wedding Planner eh dahil busy ako noon sa paglalaro ng playstation, o kung hindi man eh sa panonood sa kuya ko sa paglalaro niya ng mga RPG.
Kasi naman, sa pamilya naming si Myrna lang ang babae, at bunso pa ako, matututunan ko talagang laruin ang mga laro ng mga kuya ko. Makakahiligan ko rin ang mga hilig nila... pero may mga hilig sila na never kong makakahiligan dahil medyo ew. Alam niyo na
At dahil dalawa sila at isa lang ako, lagi akong talo kapag botohan. Isa lang ang TV namin dati, eh magkasabay ang Masked Rider Black sa channel 9 at Sailormoon sa channel 5 tuwing Sabado. Lagi akong bigo. But not without a fight.
Kaming mga bunso, meron kaming skill na kami lang ang meron. And it has 3 levels:
Level 1 - Iyak. Has a weak effect. Madalas dedmahin.
Level 2 - Hagulgol. Appeal to pity. Pagmumukhain ang sarili na pinakakawawa sa buong mundo. Has a strong effect, pero ilang beses lang effective. Magiging manhid din ang mga target after a few casts.
Level 3 - Atungal. With matching pagwawala at pagsigaw so loud, masu-summon si Mommy at Daddy.
Kapag na-cast ko na ang level 3 skill, wala na silang magagawa. Magkukulong si Kuya sa kwarto niya at si Dikong naman eh magba-bike sa labas. At nanamnamin ko ang aking moment of glory kasabay ng transformation ng sailor soldiers.
Doon lang naman kami hindi magkasundo. Lahat ng anime na pinanood nila dati, gusto ko rin. Dragon Ball, Ghost Fighter, Flame of Recca, hanggang sa Shaman King, Hunter x Hunter, at Naruto.
Ang maganda sa mga anime, napakaraming mga karakter na may iba't ibang ugali, buhok, damit, at super powers. Imposibleng walang karakter na pwede kang maka-identify. I'm sure, at one point, nagustuhan mo si Dennis. I mean, who doesn't love Dennis? Sa rose whip pa lang niya, wala na, na-hypnotize na tayong lahat. Eh bigla pa siyang naging taong lobo at nung nasa mundo na sila ng masasamang espiritu eh tinubuan siya ng pakpak ng butterfly! OMG very Miss U!
At noong bumili si Daddy ng playstation, naulol na kaming tatlo.
RPG games ang hilig ni Kuya. Halos lahat yata ng RPG sa PS1 eh nalaro niya. Final Fantasy series, Legend of Dragoon, Chrono Cross, Xenogears, Tales of Destiny, Star Ocean, Lunar, at Suikoden. Na-inlove ako nang todo sa Suikoden 2. Hanggang ngayon, nilalaro ko pa siya sa emulator paminsan-minsan.
Si Dikong naman, ang gusto niya eh mga fighting game. X-men vs Street Fighter, Tekken, at Guilty Gear. Pero pinakagusto ko ang Rival Schools.
Grabe lang si Dikong, dahil wala siyang makalaro, pinipilit niya akong labanan siya kahit ayoko na, kasi lagi naman akong talo. Bina-blackmail pa niya ako. Hindi raw niya ako papansinin kahit kelan. Kaloka sa kahit kelan. Siyempre katakot yon no, lalo na't naniniwala pa ako noon na may forever. Eh di go laro. (Laro pa ba ang pinag-uusapan?)
Tapos nakabili siya ng PS2. Hindi pa rin niya ako tinantanan sa Tekken 5. Go laro pa rin. Pero this time, may laban na ako. Kasi nandon na si Lili. kapag ako lang mag-isa, nagpa-practice ako talaga. Yung mga sipa at tambling niya, kinabisado ko yan lahat, pati yung mga juggle at 10-hit combo, inalam ko.
Yung mga galawan niya gamit si Asuka (na favorite niyang character), kinabisado ko rin. Bale wala ang mga combo na baon ko kung hindi ako marunong sumangga. Hanggang sa nanalo na ako. At nafu-frustrate na siya. Hahaha. Sweet revenge. Ansaya-saya.
Eventually, ako ang ginawa niyang sparring partner bago siya sumalang sa arcade. Kasi hindi naman siya gumagamit gaano ng Lili at Xiao Yu. So yung galaw ko ang kinabisado niya at inalam niyang sanggain.
One time, nagpunta kami sa Quantum. Naghiwalay kami ng landas. Doon ako sa mga sayaw-sayaw na pangkamay lang. Hindi yung Just Dance ha, wala pang ganun non. Sayaw-sayaw, sayaw-sayaw akong ganyan. Tinawag ako ni Dikong. Wala na raw siyang makalaban. Ako na lang daw.
Nagulat ako na ang dami na niyang token. Nakipagpustahan pala si brother. Bayad token bawat talo. Kaloka! Sayang daw kung hindi namin gagamitin. Kaya ayun inubos namin. Pero sabi ko, pengeng konting token kasi gusto kong mag-basketball. Saka mag-videoke nang slight doon sa public na videoke.
Hanggang sa magkatrabaho ako at makabili ng PSP, yung memory card eh pinalagyan ko ng mga RPG at Tekken 5 Blood Vengeance.
Minsang nakipagkita ako sa mga kasama ko sa choir, yung isa sa kanila eh may dala palang PSP. At nagkataong may Tekken. Sabi ko try namin maglaban. Oo raw, sagot niyang with excitement at with a hint of condescension. Only to find out na medyo kulang pa siya sa practice.
Halimaw daw ako. Bakit ang galing ko raw. The 1 million-peso question. Bakit ang galing ko. Hindi nila alam na ang ka-practice kong maglaro eh nakikipagpustahan sa arcade. Gumaling akong maglaro not because I want to, but because I had to. LOL andrama.
Na nagustuhan ko na rin naman dahil ngayon eh nagagamit ko para makipag—ahm—socialize sa mga friend kong lalaki.
No comments:
Post a Comment