1.07.2015

Nova Villa in the city

"Nausog yung training namin, bunso. Sa December 23 na, imbes na 22. 3 to 11pm."

Si Myrna yan, nanay ko. Kinekwento niya sa kin na nausog ng isang araw ang 1st day ng training niya sa call center. Nung una niya yang ibinalita, nalito ako kung seseryosohin ko ba siya. Kasi naman.

Si Myrna. Natanggap sa call center. Sa murang edad niyang 53.



Apparently, isang araw habang naglalakad siya sa tapat ng McDo eh hinarang siya ng mga taga-call center. Hiring daw sila. Eto namang nanay ko, siguro eh dala na rin ng gutom, go naman siya.  Fill-out ng form at hintay-hintay din, lalo't may time naman.

Dalawang mesa ang inupahan ng call center. Umupo ang nanay ko at naghintay ng turn niya. Ganito ang naging siste:

Kapag pumasa ka ng initial interview, may palaps!

Kapag pumasa ka ng 2nd interview, may palaps!

Kapag pumasa ka ng final interview, laps pa rin!

Habang uma-advance ang nanay ko sa application process, sumasarap nang sumasarap ang palaps sa kanya. Mula burger McDo eh umakyat din ang level niya sa McFloat with large fries hanggang sa 2-piece chicken. Nabunsol na ang nanay ko sa pagkain ng McDo. Hindi man niya nakuhang mag-uwi sa bahay.

May magic talaga ang pagkain. People do good when you bribe them food.

Na-overwhelm ang nanay ko sa bilis ng proseso. Gusto mag-start na siya kinabukasan. Yung iba nga raw na pumasa, isinakay na sa shuttle at dinala na sa site para mag-orientation right then. Sabi niya wag muna. Hindi pa siya ready.

Marami siyang kwento. Pero paulit-ulit niyang binabanggit yung eksenang tinanong siya ng interviewer ng, "How do you explain a square meal on a round plate?"

Edi inechos-echos naman siya ng nanay ko. Ang kaso, mali raw yung sagot niya. Aba, papayag ba si Myrna? Sabi niya tuloy, "If you are not satisfied with my answer, then it's no longer my problem." Very proud niyang sinasabi yan sa kin with her strong Filipino accent. Natawa raw yung interviewer. Tawa rin siya sakin. Jusko Myrna kaloka ka talaga.

Ang maganda sa call center, hindi discriminatory sa edad. Kung keri mong makipag-usap ng english, go. Alam ko yan, kasi call center agent din ako dati. First job ko (at ng maraming kaedad ko). May mga tinatawag kaming "Mommy." Kung naging agent ka, for sure may Mommy rin kayo sa inyo.

Pero kasi si Myrna, ang lakas maka-Nova Villa nun. Yun bang nanay na echusera na madaming sabi. Hindi mo aakalaing papasok sa ganong trabaho na kung iisipin eh para talaga sa mga may mataas na computer literacy. Eh minsan nga bigla na lang niya akong tatawagin habang nagfe-facebook, "Bunso, pano ko ba itatag yung sarili ko sa pictures ng isang kasamahan ko? Hindi sa lahat ha. Yun lang nandun ako."

Dahil wala siyang gaanong idea what to expect, ako ngayon ang tinatanong niya ng mga pinagdaanan ko nung agent pa ako.

"Malamig ba don, nak? Air-con yon eh. Baka ginawin ako. Naku, hihiramin ko yung jacket ng Daddy mo."

Tuwang-tuwa siya. Para siyang nag-back-to-shool. Baliktad na nga ang mundo namin eh. Parang siya na yung anak ko na kwento nang kwento, lalo nung nag-communication skills training na siya. Araw-araw daw may exam. Dinudugo raw siya kaka-english. EOP kasi. At ngayon, very proud siya na kabisado na niya ang airport codes ng lahat ng states sa USA. Oha.

Travel account kasi ang iha-handle nila. Sila daw ang mag-aasikaso ng flight and hotel bookings. Tinuruan na raw siyang sumagot ng tawag. "Thank you for calling United Airlines. How may I help you?" Demo siya nang demo, para akong nanonood ng pelikula ni Nova Villa. Kabog. Nova Villa in the city.

In a way, humahanga ako sa nanay ko kasi sa edad niyang yon, hindi siya natakot sumubok ng bago. Hindi kasi siya yung tipong office gurl. Sa totoo lang, ang trabaho talaga niya eh loan consulant ng isang kumpanya ng pautang. Maganda sa pandinig: consultant. Pero sa totoong buhay, ang ginagawa niya araw-araw eh tumatambay sa Kalaw at nagpapamigay ng fliers.

NEED CASH? APPLY FOR A SEAMAN'S LOAN! CONTACT MYRNA: 09xx-xxx-xxxx.

Malakas daw ang negosyo kapag magpapasko, saka kapag magpapasukan. Pero kapag lean season, nganga. Walang kasiguruhan ang pasok ng pera. Kapag meron, sobrang meron. Kapag wala, sobra namang wala. Bilad na sa araw, dedma-dedmahin ka pa ng passers by. Yung ibang kukuha ng fliers, itatapon din kapag nakalayo na. Kaltukan ko pa sila eh. Pero si Myrna, kaya niya. At hindi siya nahihiya.

Pagkatapos ng lahat ng kwento, pahiram daw muna ng pera kasi wala na siyang pamasahe. Sa January 22 pa raw siya sasahod. Baliktad na talaga, ako na ang nag-aabot ng allowance!

No comments:

Post a Comment