Backdoor-spacer lang talaga ang peg ni GG. Paggising ko sa araw, wala siya, umaalis para gumawa ng pera gaya ng mga tipikal na empleyadong nag-oopisina. Tuwing gabing uuwi ako galing sa trabaho, pagsara ko ng pinto ng kwarto eh nandon na siya, tahimik na nagpapahinga habang nakaunat ang mahahabang galamay na nakalapat sa puting dingding.
Ilalapag ko sa kama ang dala kong gamit at magmamadaling magbihis, natatakot sa thought na baka gumapang siya sa paa ko paakyat habang nakahubad ako. OMG hindi ko yun kakayanin talaga.
Pagkasuot ko ng tshirt na pambahay eh agad akong lilingon para i-check kung nandon pa siya. Ayoko siyang makita, pero mas gusto ko nang nandoon siya kesa wala. There is a certain level of comfort kapag alam kong hindi siya umalis.
But when I looked again... it was gone.
Ganyan yan, mahiyain. Gustong nakikipagtaguan at ako lagi ang taya. Kaya kapag humiga na ako, minamadali ko ang sariling matulog para hindi ko na maisip na sa isang madilim at makalat na kwarto eh may roommate akong ga-palad na gagamba. Medyo kashokot pa naman ang pagkaka-portray ng NatGeo sa uri niya.
Minsan, kung kailan nakukuha ko na ang tulog ko, makakarinig ako ng kaluskos. Ang lakas pa naman ng tunog kasi naka-linoleum ang sahig. Dinig na dinig ko talagang may gumagapang na walong paa, tapos ang bilis pa. Tatawid from one sulok to another.
Dedma lang, sabi ko sa isip ko, kahit ang totoo parang aatakihin ako sa kaba. Think happy thoughts eka ni Peter Pan. Kaya ako naman eh mag-i-imagine ng mga cute na tuta na naghaharutan sa sofa, hanggang sa makatulog akong balot ng kumot at subsob ang mukha sa unan.
———
I did it. Inispreyan ko si GG. Hindi isang beses. Marami. Siniguro kong babad siya sa insect killer. Nagtatakbo siya palayo. Feeling ko mas kabisado pa niya ang bahay kesa sa akin dahil alam niya kung saang sulok sisingit, doon sa hindi ko siya maaabot.
Medyo skeptical ako kung kaya ba siyang itepok ng baygon. Nakaka-guilty rin nang konti dahil hindi naman niya ako inaano, at baka nga tinutulungan pa niya akong panatilihin ang bahay na ipis-free.
Pero hindi kami pwedeng mag-coexist ni GG sa paraang gusto niya. Hindi pwedeng tuwing isasara ko ang pinto eh tatanungin niya kung kamusta ang araw ko. No. Ako ang mamamatay nang maaga.
Kaya dapat madeds na siya sa spray, dahil kapag hindi siya namatay, baka gantihan niya ako.
Nakakagulat ang mga comment ng friends ko nung ipost ko sa Facebook na finally eh inispreyan ko si GG.
Sabi ni Gra, "Si GG :("
Sabi ni Jod, "Spiders prefer to escape than to bite humans. Just like snakes, spiders prefer to reserve venom, you know, for their actual food. Baka naku-cute-an lang sayo that's why it keeps on watching you with those bead-like black eyes... I can imagine it, teary-eyed 'cause you sprayed some on its eyes."
Sabi ni Cris, "Mas madrama kung sabay-sabay na manlilisik ang marami niyang mata. Mamamatay siya pero mangingitlog muna siya ng daan-daang baby gagamba na handang ipaghiganti ang PINATAY nilang ina. #SaNgalanNgIna"
Sabi ni Lao, ":("
Mga sad face saka sympathies para sa kanya ang nandon sa thread. Kaloka. Ako pa ngayon ang kontrabida. Yung totoo? Ako yung friend niyo diba?? Saka bakit hindi kayo takot sa gagamba???
———
Tatlong araw nang hindi nagpaparamdam si GG. I assume na nasa isang parte lang siya ng bahay, doon sa madilim at maalikabok na sulok kung saan payapa na siyang nakatihaya, kuyom ang mga galamay, walang buhay.
O kung hindi man, pwedeng lumayo na siya sa akin at nagpunta sa lugar na hindi siya masasaktan.
Finally, the GG saga has finished.
...or has it?
No comments:
Post a Comment