Napansin ng kapatid ko na nag-iinit ako ng tubig.
"Aalis ka ba?"
Nasanay na sila sa akin. Nanay ko. Tatay ko. Mga kuya ko. Kapag mag-iinit ako ng tubig, ibig sabihin maliligo ako. Kasi hindi ako sanay maligo ng malamig, nagkakasakit ako. Oo na. Yamanin. Spoiled. Bunso. Oo na.
At dahil maliligo ako, ibig sabihin aalis ako. Eh Linggo. Kaya nagtataka siya. Oo na. Hindi ako naliligo kapag hindi ako aalis ng bahay. Eh ano naman. Hindi niyo naman ako maaamoy. Oo na kadiri. Mabaho. Unhygienic. Limahid. Gitata. Mais lagkitan. Oo na.
"San punta mo?"
"Sa SM."
Sa SM Marilao ibig kong sabihin. Isang tricycle lang kasi yon samin. Pero 70 pesos. Medyo malayo rin.
"Aano ka don?"
"Bibili akong laptop."
Malakas na ang loob ko ngayong magbibili-bili ng mga bagay na libuhin simula nang mabigyan ako ng credit card. Tinawagan lang ako ng ahente ng BPI. Gusto ko raw ba mag-apply ng credit card. Sabi ko sige, kasi marami na rin akong gustong bilhin na hindi ko mabili dahil either wala akong pera pa na hindi naman ata ako magkakamalaking pera dahil hindi ako marunong mag-ipon, o hindi pwedeng bayaran ng cash, gaya ng ibang items sa Lazada, or Uber. Hindi pa uso ang cash payment sa Uber dati.
Tapos nag-verify ng konting information si ate gurl BPI agent. Parang application via phone call ang eksenahan. Ano raw fullname ko, address, phone number, san nagtatrabaho, magkano sweldo, mga ganyan.
Hindi ko sure kung ano ang criteria ng mga ate gurl BPI agent sa pagtawag nila ng prospects. Iniisip ko baka siguro nakita nila yung mga binabayaran ko kada buwan. Lahat kasi ng bills na pwedeng i-enroll sa payroll account ko eh in-enroll ko na. Parang apat na bills yata yon noon. Meralco, Smartbro, Globe postpaid, saka Cignal TV. Buwan-buwan kong binabayaran online nang walang palya kaya siguro naisip nila, ah good payer si bes. Alukin nating credit card para ubusin natin savings niya.
Good payer talaga ako kahit noon pa. Nung grade six, lagi akong umoorder sa classmate ko ng mga pabango sa Avon. Avon lady ang nanay niya kase. Araw-araw nag-aabot ako ng bente. Minsan tinataasan ko kapag atat na akong kumuha ng bago. Dedma na sa lunch. Di bale nang gutom basta mabango. May limited edition noon ng Blue na two-tone. Yung aalug-alugin mo muna para maghalo saka mo i-spray. Ang cool lang. Uy, patingin, patingin, sabi ng mga classmate ko. Diba. Pabida. Ang lakas din maka-zen therapy at makaubos ng oras nung papanoorin mo lang siyang unti-unting maghiwalay. Tapos alugin ulit. Tapos panoorin. Alugin. Panoorin. Repeat to fade.
Nung mga bata pa kami, laging sinasabi ng tatay namin na wag kaming kukuha ng credit card. Kung may gusto kang bilhin, pag-ipunan mo. Mas masarap daw sa pakiramdam yung fulfillment na pinaglaanan at pinagtrabahuhan mo ang isang bagay. Saka may patong daw yon pag credit card. Saka wala kang utang. Yun ang mahalaga. Marami siyang sabi tungkol sa money management dahil siguro turo sa kanila yon sa military. Wag daw uutang para ipambayad sa isa pang utang. Mag-save ng ten percent. Mga ganyan. Na sadly, hindi ko ata masyadong na-imbibe. May promo pa siya sa aming magkakapatid na kung magkano ang maiipon namin at the end of the year eh dodoblehin niya. Pero waley. Hindi ako natuto. Sorry na. Masarap kasing mag-ukay-ukay.
More tingin, more window shopping ang mode ko sa loob ng Octagon. Intel Celeron. Eks. 4gb RAM. Eks. Kailangan ko ng medyo mataas na specs ng laptop para sa purpose ko. 46 thousand. Ay shet sorry eks din. Hanggang 33 thousand na lang ang kaya ng credit card ko kaya kahit gustuhin kong bumili ng gaming laptop gaya ng ROG halimbawa eh hindi talaga.
Tapos may bumulong sa akin. Halika, sabi niya. Silver siya na laptop. i5 na 7th gen. 8gb RAM na DDR4. 2gb dedicated graphics card. At higit sa lahat, 35 thousand. Wait. 35 thousand. Kaya ko ba? Sige keri na. Mag-withdraw na lang akong dalawanlibo pa. OMG. This is it, sabi ko. Love at first sight. Tumugtog ang chorus ng Suddenly It's Magic nina Erik at Angeline.
Nagtitigan kami ng laptop for like one, two, hindi ko na alam gano katagal. Nag-hang na ako doon. Kasi kapag nasa ganong pagkakataon ka na, yung meron kang hinahanap tapos nakita mo pero medyo mataas ang presyo, mapapadalawang isip ka talaga. Bibilin ko na ba? Sure na ba ako? Kailangan ko ba talaga? Pano kung may mas mura? Kasi hindi rin biro ang magbayad ng 35 thousand. Hindi pwede yung bukas ate ayoko na pala at pabalik na lang ng binayad ko.
Bibilin ko ba?
Bibilin ko ba?
Bibilin ko ba?
"Sir, pang-Cad po ba?" Si ate gurl saleslady. Na-bother na ata siya sa pagka-hang ko kaya ni-refresh niya ako.
"Hindi. Pang-Illustrator."
"Ah, maganda na po yan. 8gig na po yung RAM niyan chenelyn chenelyn achuchuchu more sales talk more fun i-swipe mo na yan at nang maka-quota na me."
"Sige pabili po isa."
Feeling ko nabudol-budol ako. Paglabas ng Octagon, may dala na akong kahon na mabigat na nakatali ng straw'ng panali saka bag.
Char. Hahahaha. Marami pang nangyari wait lang eto na.
Dahil straight payment ang ginawa ko, binigyan ako ng Kaspersky anti-virus, pero ako na raw bahala mag-install kasi kailangan daw ng internet non eh wala silang internet dahil walang internet sa SM dalawang araw na. Good for 2 years daw yon dahil actually, dalawang products siya na tag-one year.
Tapos may libre pa akong worth 2,000 pesos na accessories of my choosing. Taray ng of my choosing hindi ko kinaya yung naartehan ako sa sarili ko. Ano raw bang bet kong accessory. Sabi ko ano ba madalas piliin ng ibang customer. Sabi niya pwede raw na hard drive, magdagdag na lang ako ng 800. Jusko magdadagdag pa ko eh nag-withdraw na nga akong dalawanlibo.
Sabi ko hindi ko naman kelangan pa ng hard drive. Eh kung wireless mouse kako. Sabi niya, straight payment ka naman diba, sige bigay ko na lang sayo. Ay talaga ba. Ang swerte ko kahit hindi ko naman birthday o hindi naman ako natanggalan ng pilikmata. May naniniwala pa bang swerte yung natatanggalan ng pilikmata?
So binigyan ako ng wireless mouse, at sinabi kong wala talaga akong maisip na kunin. Sabi niya whatever ang hirap mong kalingain. Char. Sabi niya sige i-less na lang natin sa 35k. OMG may discount pa akong dalawanlibo anung nangyayare. Baka nanaginip ako ng kabayo kagabi.
May pa-headset din si ate gurl saleslady. Gusto ko sanang piliin yung Genius na tag-500 pero hindi raw pwede. Binigay niya yung Neoplug Treon na kahit tag-150 lang eh in fairness malakas naman ang bass. Tapos may set din ng panlinis, inclusive of LCD spray, cleaning cloth, saka fan brush para mapagpag ko yung excess powder ng make-up sa mukha ko. Ay ibang fan brush pala yon.
Bakit kailangan ko ng Illustrator? Kasi biglang kailangan kong gumawa ng maraming infographics. Part ng trabaho. Totoong pwede naman akong gumamit na lang ng Piktochart o Wix pero ayoko kasi marami naman akong pera. Yeeeees talaga ba.
Actually, hindi pa ako expert sa paggamit ng AI at paggawa ng infographics pero nagprisinta akong ako na lang ang gagawa dahil gusto kong matuto. Yun lang. Hindi pa ako kasing galing ng teammate kong si Justin Ross pero pasasaan ba. Lahat naman nagsisimula sa simula, sa maliit, sa konti lang, sa hindi masyado. Pero kailangan kong gumaling in 3 weeks dahil may deadline akong hinahabol. Ayokong maging bottleneck dahil nakakahiya.
Dahil may laptop na ako, pwede ko na tong madala-dala sa mga meeting a la supervisor. Mga SV lang kasi ang may laptop sa amin na issue ng company saka pala mga tao sa IT. Tinutukso na nga ako ng iba. Sup, sup, sabi. Sup, pa-approve ng leave.
Hassle pala magdala ng laptop araw-araw. Mabigat sa bag, sumasakit ang balikat ko saka nahihirapan akong huminga. Sanay ako ng travel light. Kaya ko ngang mag-pack ng pang-apat na araw na handbag lang ang dala. Naiintindihan ko na kung bakit gusto na lang lagi ng officemate kong si Tsa Esang na mag-Uber gabi-gabi. Pero si Tsa Esang kasi eh kahit naman walang dalang laptop na napakabigat ng mga eco bag. Parang may lamang bakal. Or tocino.
Natatakot na rin ako minsang maglakad sa Panay Ave kung gabi kasi baka maholdap ako eh kabago-bago ng laptop mananakaw agad. Buti pa nung wala akong bitbit eh okay lang kasi kahit itaktak nila ako eh walang malalaglag sa gamit ko kundi kalahating putol ng nilagang mais na binili ko nung umaga.
Ang saya-saya ko lang, kasi meron akong naipundar na gamit. Kinikilig ako kapag ino-on ko yung laptop tapos nakalagay "G. Zople logging in". Oh my god ang yaman ko na talaga. Ewan ko lang kung kiligin pa ako kapag natanggap ko na yung love letter ng BPI. Yun lang ata ang love letter na hindi nakakakilig.
Bukas, ite-text ko si Tsa Esang para hiramin yung installer niya ng MS Office.
No comments:
Post a Comment