6.25.2015

Si Daddy

College pa ako nang isulat ko sa multiply.com ang isang blog entry tungkol sa tatay ko. Kung ngayon, andami kong kuda tungkol kay Myrna, noon mas kinukwento ko si Daddy, siguro dahil si Daddy ang kasama ko dati sa bahay.

Tuwing father's day, lagi kong pino-post sa facebook ang link ng entry ko na yon. Eh dahil sarado na ang tindahan ng multiply.com ngayon, ipopost ko na lang siya dito.



———

"Ma', bayad ho. Isang estudyante, isang senior." Sabi ng tatay ko habang inaabot ang bayad kay manong jeepney driver. Siya yung estudyante. Tapos ako yung senior. Char. Siyempre siya yung senior.
Shet, ang tanda na ng tatay ko. Shondaers. Thunderettes. Senior citizen. Discount sa fastfood, sa botika, saka sa Puregold Jr. Anim na dekada. Limang anak (ako ang bunso!). At kasalukuyang nagmamay-ari ng isang franchise ng water refilling station sa probinsya ng Nueva Ecija na itago na lang natin sa pangalang Aquabest. May kalendaryo pa kami at tshirt.
"Para po!" Sabi ko. Malinta exit lang kasi ako (sa Novaliches ang punta ko, OJT ako sa TV5). Tapos si Daddy eh didiretso sa Monumento at sasakay sa LRT hanggang makarating siya sa school niya, pero hindi siya estudyant, ha. Siya si Leodegario S. Lopez, DMD, Dean, College of Dentistry, De Ocampo Memorial College.
Ano ang feeling ng anak ng isang dean? Edi mayabang. Haha.
Actually, ngayong school year lang siya naging dean dahil ngayon lang niya tinanggap ang offer ng school. Sa kwento niya, matagal na raw siyang nililigawan ng kolehiyo para maging dekano pero tinatanggihan niya noon dahil nasa serbisyo pa siya, at ang tinutukoy na serbisyo dito ay military service. Dating sundalo ang tatay ko. Retirado na siya ngayon. Retired general. Wow. Wow talaga.
Sabi niya, binigyan daw siya ng presidente ng school ng kapangyarihang maglingkod habambuhay. Lifetime ito. Hangga't kaya pa niyang maging dean, magiging dean siya. Kahit nanginginig na ang kamay niya kakabunot ng ngipin, go lang. Magaling kasi sa leadership at management eklat eklat si Daddy. Pinag-aral pa siya ng gobyerno noon sa National Defense University ata yun sa Washington, USA. Sosyal. International.
Bago pa man siya maging dean, naging chief dental siya ng buong Pilipinas. At vice president for North Luzon ng Philippine Dental Association. Nakakalokang impluwensya. Pero kahit kailan, kaming magkakapatid eh hindi nakaramdam ng ere kay Daddy. Hindi namin ramdam na ganon kataas ang posisyon niya sa kanyang field. Basta ang natatandaan ko lang, nung birthday niya, pumunta kami sa opisina niya. Tapos ang dami-daming bumabati sa kanya. And dami-dami ring regalo. Tapos ang dami-dami niyang kinakausap. Tawa siya nang tawa. Mahilig siyang tumawa tuwing may social event. Isa siguro sa mga secret yun para gumanda ang career. Kaya tatawa rin ako nang tatawa. Ahihi. Pa-cute na tawa. Ulit nga. Ahihi.
Hahahaha!
Simpleng tao lang si Daddy sa bahay. At ang pinakahilig niyang gawin ay magluto. Pagdating na pagdating niya sa bahay, sa kusina agad siya didiretso at magluluto. Walang bihis-bihis. Nakasapatos pa siya and all. Sugod siya sa kusina tapos kung anu-anong ilalabas sa mga pinamili niya. Gulay, karne, isda, ganyan. Saka lang siya mauupo kapag nakasalang na yung niluluto at hinihintay na lang niyang kumulo.
Kung hindi naman siya nagluluto, naghahalaman siya o kaya kinukumusta yung mga manok tsaka kalapati. Mahilig siya sa hayop. Tsaka sa halaman. Kaya yung mga niluluto niya, laging mag kasamang halaman. Sabi niya, agriculture daw sana ang gusto talaga niyang kunin, pero dentistry ang gusto ni Lolo (dahil dentist din siya) kaya ayun. Kaya isa sa mga mahalagang aral ni Daddy sa amin, kahit hindi mo gusto yung ginagawa mo, still, do your best. Kasi andyan ka na eh. Tulad niya, kahit ayaw niya ng dent, hindi naman siya left behind. At umaarangkada pa ito.
Pero kwento niya, bagsak siya nung una niyang board exam. Actually, siya raw ang nag-top sa practical exam, sa written daw siya nadale. Nung 2nd take na siya bumawi. Love is sweeter the second time around.
Pero bakit ko nga ba ipinagbubunganga ang lahat ng ito? Wala ang. Gusto ko lang ipagmalaki ang tatay ko. Kasi proud ako sa kanya. Kahit maraming problema sa bahay, kahit hindi maganda ang kalagayan namin ngayon, hindi naman siya nagkulang bilang ama sa aming magkakapatid. (segue to MMK na ito kaya change topic na.)
Ako raw ang pinakakamukha ni Daddy, at ako raw ang pinakanagmana sa kanya--lamang ako ay bakla. Haha. The usual ironic scenario. General anak ay bakla. Pero kahit kailan, hindi niya ako ikinahiya. Yun naman ang ipinagpapasalamat ko. Na proud din siya sakin. Na naa-appreciate niya yung mga awards awards kong ganyan sa school kaya nasasabi niyang nagmana ako sa kanya. Ahaha.


———


Ngayon, sarado na yung Aquabest namin. Mga ilang taon na rin nung mag-resign si Daddy bilang dean. Nasa Canada siya ngayon para magbakasyon at para na rin makasama ang mga apo niya sa Ate ko sa first wife niya.


———


Naaalala ko nung minsang may pinost ako sa facebook na stolen picture ni Daddy. Nakita ko kasi siyang nagbabasa ng diyaryo sa garahe one Sunday morning. Sinabi ko sa caption na matagal na rin nung huli ko siyang nakitang nagbasa ng diyaryo sa umaga. Nung bata pa kasi ako, kapag nagbabasa siya sa labas, ako naman eh nasa sala--naglalaro ng paper dolls na Sailormoon.

Ang press release ko noon, bibili ako ng candy, pero kasama sa package yung paper dolls. Hahaha! Pero hindi naman ako nasinungaling, bakit ba. Bumili naman talaga ako ng candy, nagkataon lang na may free items na kasama.


———


Naaalala kong may inuwing beer mug si Daddy noon na may tatak na Harley Davidson. Yun daw yung klase ng basong pwedeng ilagay sa freezer para imbes na lagyan ng yelo yung beer, yung baso mismo yung nagyeyelo sa lamig.

Ginamit ko yung baso na yon isang gabi para mag-toothbrush. Grade 3 ako non. Eh masyadong mabigat yung baso para sa delicate (read: malamya) kong kamay na pinadulas pa ng bula ng toothpaste, kaya ayun, nabasag ko yung baso. Galit na galit si Daddy.

"Babakla-bakla kasi eh!" Hindi niya napigil ang sarili. First time niya akong tinawag na bakla non, at ang sakit-sakit. Hahaha! Kaya to the rescue naman sa akin si Myrna.

"Ikaw naman kasi anak, eh. Ang dami-daming baso, bakit yun pa ang ginamit mo eh magtu-toothbrush ka lang naman. Ayan galit na galit ang Daddy mo. Sige na, pumasok ka na sa kwarto. Matulog ka na."

Pagpasok ko sa kwarto, gusto ko sanang magwala tapos hawiin yung mga papel saka pencil case kaso wala naman kaming study table. Gusto ko rin sanang ihagis yung mga teddy bear na nasa kama kaso wala rin akong mga stuff toy. Puro lalaki nga kasi kami diba.


———


Naaalala ko nung may sugat si Dikong tapos ginagamot ni Daddy. Eh masakit. Aray nang aray si Dikong. Sabi ni Daddy, "Tumigil ka nga. Para kang si Dave (ako yun)." Hindi niya alam na narinig ko. Pero dedma. Haha.


———


Naaalala ko nung nasa Baguio kami noong bakasyon. Grade 5 ako noon. Sa PMA nakadestino si Daddy. Nagkekwentuhan sila ng mga kaibigan niyang sundalo sa dining area habang ako eh nasa sala, nanonood ng TV.

Sabi niya, "Grade 3 pa lang yan, alam ko na. Hinanda ko na ang loob ko paglaki niya."

Pero benefit of the doubt naman yung mga tropa niya. "Hindi. Ganyan lang talaga yang mga yan kapag bata. Tingnan mo si Joseph ko. Mahilig magluto. Ganyan lang talaga sila. Mababago pa yan."

Pero mas kilala ako ni Daddy. "Hindi. Alam ko na. Ganyan na yan."


———


Naaalala ko noong first year college. May perya noon sa Malolos, sa likod ng Uniwide. Gabi-gabi, umuuwi ako sa amin na may dalang mga plato-plato saka mga baso-baso. Yung friend kong si Poli, sabong panlaba naman ang laging inuuwi. Binibigay niya sa nanay niya na naglalaba ng mga uniform niya.

One time, nasa jeep kami noon. Sabi ni Poli, "Ma', bayad po, isang Meycauayan." Tapos inabot niya yung isang buong bar ng sabon. 28 kasi ang pamasahe, mas mahal pa yung bareta kung tutuusin nga naman. Tawang-tawa ako. Hahahaha! Hanggang ngayon natatawa pa rin ako pag naaalala ko.

Pag-uwi ko sa bahay, inabutan ko si Daddy na nag-aayos ng gulay sa mesa. "Daddy, may pasalubong ako." Tapos nilabas ko yung mug na napanalunan ko sa perya.

"San naman galing to, anak?"

"Sa perya. May plato nga don ang ganda. Bukas yun naman ang iuuwi ko. Si Poli sabong panlaba yung kinuha niya."

"Baka maubos ang pera mo niyan ha."

"Hindi naman."

Tapos nagtawanan kami.

Kinabukasan, gamit na niya yung mug nung nagkape siya nung umaga.

No comments:

Post a Comment