———
Piniling tanong: Base sa talakayan sa klase, bakit hindi dapat masamain na kahit ang mga akdang naituring na bilang bahagi ng literary canon ay maaaring magkaroon ng mga puna o kritika sa kasalukuyan?
Thank you for that wonderful question.
Ang tanong na ito na kumekwestyon sa pagkwestyon sa mga akdang canon, para sa akin, ay kwestyonable. #kwestyonception
Ang dating ay para bang ina-assume na ang pamumuna o pagkikritik sa akdang canon ay isang mortal sin. Na ang akdang canon ay exempted sa limitasyon o pagkukulang. Na ang akdang canon ay kung hindi man perpekto eh sagrado, ibig sabihin, hindi na pwedeng pintasan o hanapan ng butas dahil napatunayan na nito ang kanyang halaga sa lipunan, sa kasaysayan, sa panitikan.
Kung tutuusin, pwedeng i-problematize o gawing issue in itself ang sistemang canon. Kapag ba canon, ibig sabihin, maganda? At yung hindi canon eh hindi gaano? At gaano tayo kasigurado na ang pagsasa-canon ng mga akda ay walang bahid ng politika?
But I digress. Pinili ko ang tanong na ito dahil nagpapahiwatig ito ng pag-reality check ng canon sa kanyang sarili, na metaphorically ay bumababa siya mula sa toreng garing upang harapin nang bukal sa loob—kahit masakit, kahit nakakasaling ng pride—ang mga puna o kritika sa kanya.
Hindi na ako lalayo sa pagbibigay ng halimbawa. Ako mismo ay may mga puna sa nireport kong libro na Rene O. Villanueva Children’s Reader. Ang isa sa mga kwento sa libro, Ang Karunungan ng mga Pusang Itim (1987), ay patungkol sa panganib na maaaring idulot ng nuclear power plant. Ibinahagi kong outdated na ang ganitong tindig dahil sa isang mabilis na google search lang ay matutuklasang higit 30 bansa na sa buong mundo ang gumagamit ng nuclear power. Sa France lang, halimbawa, 70% ng kanilang enerhiya ay galing sa nuclear power.
Madalas mabanggit sa klase na mabuting tingnan o basahin ang isang akda nang may pagsasaalang-alang sa panahon kung kailan ito isinulat. Na alamin ang kaligiran ng panahon, ng lugar, at ng mismong manunulat para mas ma-appreciate ang mga napagtagumpayan nito.
Na sinasang-ayunan ko naman. Katunayan, binanggit ko rin sa ulat na maiintindihan ang bias ng kwento dahil sa nangyaring pagsabog ng nuclear power plant sa Chernobyl noong 1986, at dahil ang Bataan nuclear power plant ay proyekto ni Marcos. At ang trauma ng lipunan sa rehimeng Marcos ay hindi maiiwasang maglagos o kumatas sa iba’t ibang channels gaya ng panitikan, maging sa mga kwentong pambata.
Pero mas nanggagaling ako doon sa sinabi ni Villanueva sa kanyang blog entry na Malikhaing Pagsulat 2 noong Nov. 3, 2007:
“Pangmatagalan, kundi man panghabang panahon ang layunin ng pantikan. Bahagi ito ng tinatawag nating conceit ng literatura o yabang ng panitikan.
Mula rito, kaya bawat akdang-pampanitikan ay masasabing pagtatangka na maging imortal. Bawat manunulat, aminin man niya o hindi; malay man siya o hindi, ay hangad makasulat ng akdang makikipagmatagalan sa panahon.”
Sa isang akdang tulad ng Ang Karunungan ng mga Pusang Itim na isinulat noon pang 80’s, habang tumatagal ay nagiging mas mahirap para rito na makipagmatagalan sa panahon, lalo’t ibang-iba na ang sitwasyon ngayon.
Okay lang kung iskolar ang magbabasa. Maraming lente ang maaaring gamitin para i-appreciate ang akda. Pero bata ang pangunahing pinagsisilbihan ng kwento higit sa kanino man.
Hindi pwedeng matapos na lang tayo sa pagsasabing ang nuclear power ay masama. Paano na lang kapag dumating ang panahong nakikinabang na rin ang Pilipinas sa ganoong enerhiya? Ano pang saysay na basahin ito ng isang bata sa kanyang sariling tablet, na tsina-charge niya sa kanyang bahay na pinapatakbo ng enerhiya galing sa nuclear power, at ang mga magulang niya ay mas nama-manage ang kanilang finances dahil mas mababa na ang binabayaran nila sa kuryente?
Kung hindi na natutugunan ng isang akda ang pangangailangan ng mambabasa sa kasalukuyan, may tendensiya talaga ito na maging boring. Guilty ako dito.
Hindi ko naman itinago na boring para sa akin ang ibang akdang tinalakay sa klase, lalo na yung mga luma nang akda na tumatalakay sa mga paksang hindi ko na nasaksihan o naranasan gaya ng batas militar. Naging running joke na nga sa klase na masusukat ang ganda at husay ng isang akda kung na-entertain ba ako nito o hindi.
Pero keri lang. Actually, masaya ako dahil tinatanggap sa klase na valid na sabihing boring ang isang piyesa, at hinahayaang ipaliwanag kung bakit. In the same way, willing din naman akong makinig sa paliwanag tungkol sa merits nito.
After all, kaya naman talaga ako nag-aaral eh hindi para magmalaki at patunayan na marami akong alam, kundi para yung hindi ko naiintindihan at naa-appreciate noon eh maintindihan at ma-appreciate ko na ngayon. Yun lang naman ang akin.
Sa totoo lang, mas marami pa akong nalarong video games at napanood na anime kesa nabasang libro. Kaya buti na lang at nag-enroll ako ng M.A. dahil nare-require akong magbasa nang magbasa, at hindi lang ng mga trabahong kumportable akong basahin.
Gusto kong isipin na maswerte ako dahil meron tayong oras na pwedeng “aksayahin” para pag-usapan, purihin, punahin ang mga naisulat nang akda ng iba’t ibang awtor mula sa iba’t ibang panahon. “Aksaya” dahil kahit hindi ito mahalaga sa paningin ng iba, bahagi pa rin ito ng hinihingi sa ngayon ng akademya na may layuning paunlarin ang ating panitikan.
Malay nating hinahanap ang lakas at hina ng mga naisulat nang akda para doon natin malinaw na maiposisyon ang mga susunod nating trabaho. Kaya tayo gumagawa ng bago. Kaya tayo nag-eeksperimento.
Kaya’t hindi dapat masamain na may masabing “pangit” sa isang akda kahit canon pa ito, gaya na lang ng mga sumusunod na opinyong napagkasunduan sa pagdidiskusyon sa klase:
Pangit ang Mga Agos sa Disyerto dahil lagi na lang may namamatay. Pangit ang PAKSA workbook dahil masyadong malaki ang hinihingi nito sa manunulat, to the point na hindi na nabibigyang pagpapahalaga ang sining. Pangit ang Sigwa at Tutubi, Tutubi, Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe dahil hindi na sila relatable sa mas batang audience na hindi na inabutan ang martial law. Pangit ang Cubao 1980 dahil sa kabila ng claim nito ng “gay liberation” ay parang mas anti-gay pa ito. Pangit ang Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma dahil mababa ang kalidad ng pagiging matulain nito. Pangit ang Ladlad dahil madalas puro na lang sex, at halos nasa sentro ang mga manunulat. Pangit ang Tibok dahil masyadong exclusive at elitista. Etcetera, etcetera.
Valid na statement lahat yan, hindi para lang makapagreklamo o basta makapintas, lalo’t kung ang direksyon ng usapin ay patungo naman sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng literatura sa bansa. Ang pagsasabing “pangit” ang isang akda ay laging may pinanggagalingang konteksto, kahit gaano pa ito kababaw.
Maaaring sabihin ng isang 3rd year high school student na “Ayoko ng Noli. Boring. Ang lalim-lalim. Hindi ko maintindihan. Ang corny pa ng kwento. Pangmatanda.”
Wala namang pagtatalo sa kahalagahan ng naturang trabaho ni Rizal. May dahilan kung bakit kailangan itong daanan ng bawat Pilipinong mag-aaral.
Pero kung may hinihingi ang panitikan sa mambabasa gaya ng mas bukas na isip, kaalaman sa panahon, at certain level ng kasanayan sa pagbabasa, may hinihingi rin ang mambabasa sa panitikan gaya ng mas napapanahong wika, estilo, at paksa.
Chicken and egg ito. Sino ang dapat magsilbi kanino?
Pangahas kong sasabihing hindi naman sila mutually exclusive. Yun nga lang, lumalaki ang demands ng dalawang panig sa isa’t isa sa pag-usad ng panahon. Eh medyo isnabera pa naman ang canon sa mga bagong akda. Sabi nga ni Ma’am Tet Maceda sa klase namin sa Pan Pil 210, laging nahuhuli ang kultura sa politika.
Kung paiiralin ng canon ang kanyang conceit, balang araw ay matutulad siya sa karakter ng hari sa The Little Prince—isang matandang nag-a-assert ng kanyang authority sa kapiranggot na planetang walang tao.
Kaya’t ganoon na lang ang tuwa ko nang isinama si Bob Ong sa mga babasahin sa Pan Pil 222. Ibig sabihin, ina-acknowledge ng akademya, at least sa klase namin, na hindi na sapat ang kasalukuyang canon para matugunan ang pangangailangan ng mga iskolar at mambabasa sa ngayon. Na ang mga trabaho ni Bob Ong ay pang-augment pa nga sa exposure ng Pilipino, lalo na ng kabataan, sa panitikan.
Personal na issue ito sa akin, dahil si Bob Ong ang hero ko sa pagsusulat, at nasasaktan ako kapag sinasabi ng akademya, o kahit sa UP na lang, na hindi siya literatura. I feel betrayed. Ironic dahil ang akala ko pa naman, ang UP ang isa sa pinaka-open-minded na eskwelahan, na welcome dito ang mga akdang bumabasag ng tradisyon.
Pero sila pala ang tradisyon. Pumasok ako sa institusyong itinuturing na sentro ng panitikan sa Pilipinas na siyang nagdidikta ng maganda sa pangit, ng may kwenta sa basura, ng akdang winner sa akdang chaka.
May guro na nagsabing bakit hindi pa maubos ang mga libro niya. May guro na nagsabing puro lang siya angst.
And to top it off, sinabi ni Jim Naval—pinangalanan ko na kasi sinabi naman niya ito on national television—na “Hindi ko siya gusto. Hindi ko gusto yung pananalita niya, nabababawan ako. Sabagay, galing akong academe. Hindi namin siya kilala, so bakit mo babasahin ang awtor na hindi mo alam kung sino? Doon sa unang libro niya, yung alaala may gitling. Mali yon. Yung guniguni may gitling, so dapat wala.”
Ayaw ni Jim Naval kay Bob Ong dahil nabababawan siya sa pananalita nito, hindi niya ito kilala, at dahil ang alaala at guniguni ay may gitling. Kayo na ang bahala kung sino talaga sa kanila ang tunay na mababaw.
But again, I digress. Naka-move on na ako dahil nga pinag-aaralan na siya ngayon nang pormal sa klase. Yung idea lang na nireport si Bob Ong ni Honorio De Dios (na isang manunulat na canon), at ni-recognize niya ang ambag at halaga ni Bob Ong sa literatura, ay very symbolic at napaka-powerful nun para sa akin. Sa wakas, pinag-uusapan na ang kino-consider kong big elephant in the room of Philippine literature.
Kahit hindi pa rin ako satisfied na inihahanay si Bob Ong sa True Philippine Ghost Stories, keri na rin. It’s a start. Pasasaan ba at magiging bahagi rin siya ng canon, at paniguradong magkakaroon din siya ng mga puna at kritika sa hinaharap.
Pero hindi ko yun mamasamain, dahil ang matalinong pagsusuri naman ay tumitingin sa maganda at pangit. Totoong malungkot kung dumating ang panahong mas marami nang pangit ang masasabi sa kanya, pero ibig sabihin lang din noon ay maaaring na-serve na niya ang kanyang purpose at pagkakataon na ng mga mas bagong akda na magkaroon ng kanilang moment to shine. At hindi ko yon ipagkakait sa kanila. Hindi ko sila ibu-bully gaya ng pambu-bully na ginagawa ng canon kay Bob Ong ngayon.
Thank you. World peace.
No comments:
Post a Comment