11.10.2016

Bumili ako ng bagong laptop at na-max-out ko na ang credit card ko.

Napansin ng kapatid ko na nag-iinit ako ng tubig.

"Aalis ka ba?"

Nasanay na sila sa akin. Nanay ko. Tatay ko. Mga kuya ko. Kapag mag-iinit ako ng tubig, ibig sabihin maliligo ako. Kasi hindi ako sanay maligo ng malamig, nagkakasakit ako. Oo na. Yamanin. Spoiled. Bunso. Oo na.

At dahil maliligo ako, ibig sabihin aalis ako. Eh Linggo. Kaya nagtataka siya. Oo na. Hindi ako naliligo kapag hindi ako aalis ng bahay. Eh ano naman. Hindi niyo naman ako maaamoy. Oo na kadiri. Mabaho. Unhygienic. Limahid. Gitata. Mais lagkitan. Oo na.

"San punta mo?"

"Sa SM."

Sa SM Marilao ibig kong sabihin. Isang tricycle lang kasi yon samin. Pero 70 pesos. Medyo malayo rin.

"Aano ka don?"

"Bibili akong laptop."